Wala pang naitatalang namatay dahil sa mpox ang Department of Health (DOH).
Ang paglilinaw ay ginawa ng DOH nitong Lunes kasunod ng ulat na may isang pasyente ng sakit mula sa Central Visayas ang binawian ng buhay dahil sa mpox, na dating kilala sa tawag na ‘Monkeypox.’
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, nananatili pa rin sa siyam ang naitatalang kaso ng mpox sa Pilipinas.
Wala rin aniyang sinuman sa mga ito ang namatay dahil sa sakit.
Nabatid na sa siyam na kaso ng mpox sa Pilipinas, apat ang naitala noong 2022; isa noong Mayo, 2023; isa noong Hulyo, 2023; at tatlo noong Disyembre, 2023.
“Walang pasyenteng namatay sa mpox…mula sa anumang rehiyon ng bansa,” ayon kay Domingo, sa isang Viber message nitong Linggo.
Dagdag pa niya, “Sa pinakahuling balik (8 June 2024) mula sa DOH RITM (Research Institute for Tropical Medicine), ang lahat ng naitest for mpox ay negative ang resulta.”
Kaugnay nito, sinabi rin ni Domingo na, “Halos magkahawig ang mga butlig o sintomas ng Chickenpox (bulutong-tubig), Shingles, Herpes, at Mpox.”
Nagpaalala rin siya na huwag basta-basta maniniwala sa mga kumakalat na impormasyon at palagaing hintayin ang opisyal na pahayag ng DOH.
Dapat din aniyang iwasang gumamit o maniwala sa mga hindi beripikado impormasyon upang hindi makalikha ng pagpapanik sa mga mamamayan.
Matatandaang Hulyo 2022 nang maitala ng Pilipinas ang unang kaso nito ng mpox, na dulot ng monkeypox virus.