Magkakaloob ng libreng sakay para sa kanilang mga parokyano ang tatlong panguhahing rail lines sa Metro Manila, na kinabibilangan ng ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), para sa pagdiriwang ng ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Sa abiso ng mga naturang rail lines nitong Martes, nabatid na maaaring i-avail ang libreng sakay simula 7:00 AM hanggang 9:00 AM at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino, ang libreng sakay na kaloob nila ay simpleng paraan ng DOTr at MRT-3 upang gunitain ang Araw ng Kalayaan, na isang napakahalagang okasyon sa ating bansa.

Aniya, ito rin ay isang paalala at panawagan sa ating mga kababayan na patuloy na pangalagaan at ipagtanggol ang ating kalayaan na pinag-alayan ng buhay ng ating mga bayani.

"Sa bahagi po ng MRT-3, patuloy na magsusumikap ang linya na magbigay ng maayos, ligtas, at maaasahang transportasyon sa ating mga pasahero," saad pa ni Aquino. "Maligayang Araw ng Kalayaan po sa ating lahat at nawa ay patuloy nating isabuhay ang pagkakaisa at pagmamahal sa bayan na diwa ng okasyong ito."

Ayon naman sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, ipatutupad nila ang libreng sakay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ng bansa.

Magpapatupad din umano ng normal holiday schedule ang LRT-1 kung saan bibiyahe ang unang tren mula Baclaran at Fernando Poe Jr. stations ng 5:00 AM at ang huling biyahe ng tren naman ay 9:30 PM mula Baclaran Station at 9:45 PM mula Fernando Poe Jr. Station.

"Ito pong libreng sakay natin ay taunang aktibidad ng pamunuan ng LRTA bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan," ayon naman kay Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Atty. Hernando Cabrera.

Mensahe pa niya, "Sa araw rin pong ito, binibigyang-pugay natin ang pagbubuwis ng buhay at sakripisyo ng ating mga bayani. Nawa'y sa pamamagitan ng libreng sakay ay manatiling buhay sa mga Pilipinong pasahero ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan para sa isang Bagong Pilipinas."

Nabatid na aalis ang unang tren ng LRT-2 sa Recto Station at Antipolo Station ng 5:00 AM habang ang huling tren naman sa Antipolo Station ay aalis ng 9:00 PM at 9:30 PM sa Recto Station.