Natanong ang talent manager ni Paolo Contis na si Lolit Solis tungkol sa intrigang hiwalay na ang alaga sa girlfriend nitong si Yen Santos.

Matatandaang umugong ang intriga tungkol dito nang mapansin ng mga netizen na burado na sa Instagram account ng aktres ang birthday message post niya para kay Paolo. Bukod dito, nagbukas na rin ng comment section si Yen sa lahat ng mga nagiging posts niya, na matagal na nakasarado dahil nga sa pambabash sa naging ugnayan nila ng aktor.

Lalo pang nag-init ang hinala ng mga marites nang mag-"No comment" si Paolo sa mga tanong ng showbiz news reporters tungkol dito, sa media conference ng kaniyang latest movie.

Si Lolit naman ay nakorner ng media peepz nang mabanggit niya ang tungkol sa pagkawaldas sa pera ng alaga. Para kay Lolit, ang kailangan daw ni Paolo ay isang mahusay na partner na igagalang at takot siya kapag may sinabi ito, lalo na sa aspeto ng pananalapi.

Relasyon at Hiwalayan

Priscilla, sinagot nang-usisa kung 'may new na naman' mister na si John

At dito na nga pumasok ang pang-uurirat tungkol kina Paolo at Yen.

Sagot ni Lolit, "Siguro, nagkasawaan din. Bakit, kung ano, type niya lang 'fling-fling,' eh 'di gano'n 'di ba? Kasi sa relationship, dapat pareho kayong nagwo-work do'n eh, para maging mabuti 'yong samahan n'yo 'di ba? Puwedeng may depekto si Paolo, pero may depekto rin si Yen..."

Nabanggit pa nga ni Lolit ang nangyaring muntikang hiwalayan noon nina Sen. Bong Revilla at 2nd District of Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla na mabuti raw ay naawat niya at nakinig sa kaniya.

Going back kina Paolo at Yen, segundang tanong ng press ay kung sino ang unang bumitaw sa kanilang dalawa.

"Alam mo si Paolo, sweet na guy. Pero siguro, madali rin 'yong... 'yong temper niya, kapagka nairita, nairita na... siguro hindi rin napagtiisan 'yon ni Yen. Siguro, sa kanilang dalawa 'yon kasalanan," sagot pa ng talent manager.

Hindi raw makuwento si Paolo patungkol sa mga personal nitong buhay.

Nang diretsahang tanungin kung hiwalay na ba ang dalawa, "Hindi, puwede silang magkabalikan!" Pero ang masasabi raw niya, si Paolo raw ang tipong kapag nakipaghiwalay na, iyon na talaga ang desisyon niya at hindi na nakikipagbalikan pa. Tingin daw kasi niya ay madaling magsawa ang alaga.

Payo raw niya sa alaga, sundin niya ang sarili kung saan siya magiging maligaya.

"Dapat sa kaniya talaga strong woman, 'yong kaya siyang kontrolin. 'Yong complete ang respeto niya..."

Infairness naman daw, sa relasyon ni Paolo kay Yen ay napansin niyang tila "mas maayos ang utak" ng alaga dahil parang at peace daw siya.

MAKI-BALITA: Alagang si Paolo, ‘nilaglag’ ni Lolit: waldas at walang galang daw sa pera