Isang pasahero ang naglabas ng kaniyang sama ng loob sa social media matapos umano siyang ipahiya ng isang public utility jeepney (PUJ) driver sa Parañaque City dahil sa kaniyang “body size”, at pinababa pa umano siya nito para hindi raw “ma-flat” ang jeep.

Sa isang Facebook post ng pasaherong si Joy Gutierrez, ikinuwento ni Gutierrez na sumakay siya sa naturang jeep noong Hunyo 7, 2024 ng gabi para bilhan ng pares ang kaniyang ate nang bigla raw siyang sabihan ng driver na dapat siyang bumaba.

“Dapat daw akong bumaba. ‘Bawal daw ang mataba sa jeep niya,’ sabi niya. ‘Bumaba ka, ayaw daw ng asawa ko,’ dagdag pa niya. Una, dedma lang ako dahil hindi lang naman ako ang chubby na nakasakay sa jeep niya,” kuwento ni Gutierrez.

“Pinagtanggol ako ng mga kapwa pasahero ko, lalo na yung chubby din na mag-asawa at yung mga lalaki sa likod. Sinabi nila, ‘Manong, bawal po 'yan sinasabi at ginagawa niyo,’ at ‘Bawal po 'yan, papabain niyo yung pasahero tapos babastusin niyo pa.’ Sabi ng isa pa na pasahero, ‘Wala namang ganyang batas na bawal sumakay ang matataba sa jeep,’ at ‘Ate, wag ka bumaba, kami bahala sayo.’ Pati yung mga lalaki sa likuran, pinagtatanggol din ako habang nakikinig lang ako sa kanila.”

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Nang mga oras na iyon ay hindi naman daw punuan ang jeep dahil umuulan, ngunit patuloy pa rin daw siyang pinapababa ng driver.

“Narealize ko na binabastos na pala ako ng driver at ng asawa niya. Hindi pa rin ako kumibo at pinilit manahimik. Pinagbibintangan pa nila na ako raw yung sumakay sa jeep na nagalit daw kasi ginigising raw ako (hindi naman ako yun, first time ko pa nga sumakay sa jeep nila) at naflatan daw sila non,” ani Gutierrez.

“Sabi pa ng babae na asawa niya, ‘Mafflatan’ daw sila kakabyahe lang daw nila ng 2 linggo lang daw ‘yung jeep nila. Sumagot na ako at pinagtanggol ko ang sarili ko. Nagsimula na rin akong mag-video habang binabastos at dinidiskrimina nila ako. Sinabi ko sa kanila na kaya kong bayaran ang buong jeep nila, at pakibalik ang bayad ng mga pasahero at ako na ang magbabayad. Sinabi ko sa kanila na magpakabait sila dahil matanda na at sobrang tabas ng mga bunganga, at si Lord na lang bahala sa kanila.

Hindi pa rin sila tumigil. Nagsimula na akong maiyak at manlambot dahil sobrang napapahiya na ako at sobrang nanliliit na pakiramdam ko. Ni hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa kanila para bastusin nila ako. Patuloy pa rin nila akong pinapa-baba kahit umaabon at kung ano ano pa ang kanilang pinagsasabi. Patuloy pa rin ang pagtatanggol ng mga kapwa ko pasahero sa akin,” saad pa niya.

Habang sinusulat ito’y umabot na sa 265 shares ang naturang post ni Gutierrez.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Gutierrez na kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Parañaque. Pauwi na raw siya mula sa trabaho nang gabing iyon, at dahil umuulan, hindi na siya natuloy na mag-book ng motorcycle rider at nagdesisyon na lang na sumakay ng jeep.

Hindi naman daw lubos-maisip ni Gutierrez na mangyayari iyon sa kaniya, at hanggang ngayon ay naaalala niya ito tuwing sumasakay siya ng jeep.

“Hindi pa rin po nakaka-sleep nang maayos at feeling traumatized pa rin po kapag sumasakay ng jeep kasi baka mamaya masita na naman ako. Pero ito, nilalaban para magkaroon ng justice po ‘yung dinanas ko,” saad ni Gutierrez sa Balita. 

Matapos namang mag-viral ang post ni Gutierrez ay naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa PUJ driver at binigyan ito ng hanggang Biyernes, Hunyo 14, 2024, para magpaliwanag.