Tila ibinuking ng mismong talent manager ni Kapuso actor-TV host Paolo Contis na si Lolit Solis ang ilang mga detalye sa buhay ng alaga, nang makapanayam ito ng mga showbiz news reporters at vloggers.

Sa YouTube channel ni Dondon Sermino, mapapanood ang mga diretsahan at "no filter" na sagot ni Lolit sa mga tanong patungkol kay Paolo, gaya ng tungkol sa finances nito.

Unang tanong, inurirat ng isang showbiz news reporter ang balak na pagpapatayo ng bahay ni Paolo.

"Alam mo si Paolo 'day, kaya kami nag-aaway niyan, walang galang sa pera," sey ni Lolit.

Tsika at Intriga

Karanasan ni BJ Pascual kay Kristine Hermosa, naungkat dahil kay Denise Julia

"Basta may hawak na pera 'yan, waldas talaga... Diyos ko, kayabangan, kung ano-ano pinagbibili..."

Naikuwento pa ni Lolit na humihiling daw siya ng regalong cellphone kay Paolo. Isang buwan na raw ang nakalilipas at hindi pa raw maibigay sa kaniya, dahil ang katwiran daw ni Paolo ay hindi pa dumarating ang inorder nito online.

Tanong naman ng mga netizen, baka raw walang cash na pambili si Paolo dahil puwede naman daw itong bilhin sa mga mall.

Sundot na tanong naman ng isa pang showbiz news reporter, bakit daw sa tagal na ni Paolo sa industriya ay hindi pa siya nakakabili ng sariling bahay.

Palagay ni Lolit, maaga raw kasing nag-artista si Paolo kaya maaga ring nakahawak ng malalaking halaga ng pera, kaya wala raw galang sa pag-handle nito. Nang biruin naman siya na baka puwede siyang gawing guarantor, kuwela ang sagot ni Lolit na huwag na raw at baka hindi pa makabayad ang alaga.

Sa lahat daw ng mga alaga ni Lolit, si Paolo lang daw ang talagang gastador pagdating sa pera.

Hindi raw nakikialam si Lolit sa mga usaping pera ni Paolo dahil baka sumbatan daw siya nito.

"Hindi, sa kaniya naman 'yon eh, saka baka mamaya sagutin ako, 'Bakit pera mo ba 'to?" aniya.

Wish ni Lolit na maayos na ni Paolo ang paghawak nito sa pera dahil hindi na raw siya bumabata.

Para kay Lolit, ang kailangan daw ni Paolo ay isang mahusay na partner na igagalang at takot siya kapag may sinabi ito, lalo na sa aspeto ng pananalapi.