Nauwi sa pagkadismaya ang inaasahang pinaka special moment ng isang bride mula sa Amlan, Negros Oriental. Aniya, inumpisahan umano ng pari ang seremonya ng kasal kahit hindi pa handa ang lahat dahil sila raw ay late.

Sa isang Facebook post ng bride na si Janine Seit Suelto-Sagario no’ng June 8, ikinuwento niya ang nangyari sa kaniyang pinakahihintay na araw.

Trending

'Healing the inner teenage phase' ng netizen sa ballpen, makaraming naka-relate

Kuwento ni Sagario, eksaktong 8:00 a.m. ng June 8 ang kasal nila ng kaniyang partner na si Jove Deo pero no’ng June 7, 11:00 p.m., sinabihan daw sila ng isa mga ninang nila, na miyembro ng St. Andrew the Apostle Parish, na na-reschedule ng 9:30 a.m. ang kanilang kasal. Kaya agad daw nilang sinabihan ang mga pamilya nila maging ang wedding entourage nila.

Sa araw ng kasal, dumating daw sila sa simbahan bago mag-9:00 a.m. para mayroon pa raw silang sapat na oras para makapag-ayos. Gayunman, pinagalitan umano sila ng staff ng simbahan dahil isang oras daw silang late. Hindi rin daw sila binigyan ng pagkakataon para magpaliwanag pa.

Inumpisahan daw ng pari seremonya kahit hindi pa handa ang lahat at maging siya raw na bride ay nasa entrance pa ng simbahan.

Dagdag pa ni Sagario, sa pagmamadali niya maglakad pa-altar ay muntik pa raw siyang madulas at siya raw ay buntis pa.

Marami rin daw siyang naririnig na negative feedbacks tungkol sa simbahan pero doon pa rin nila piniling magpakasal dahil ‘proud’ siya sa parokya nila, kaya lang, hindi raw lubos maisip ng bride na ito raw ang sisira sa pinaka special moment niya.

Sa huli, natuloy pa rin ang kasal kahit na dismayado sila.

Habang isinusulat ito, umabot na sa mahigit 88K shares ang naturang post.

Nag-abot naman ng congratulatory message ang netizens. Bukod dito, nakakuha sila ng suporta mula sa local suppliers at magkakaroon umano ng "take 2" ang kasal nila.

Samantala, naglabas na ng pahayag ang St. Andrew Parish hinggil sa pangyayari.

BASAHIN: ‘THE TRUTH’ St. Andrew Parish, naglabas ng pahayag hinggil sa nag-viral na kasal