Inihain ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na nagbabawal sa mga estudyante na gumamit ng cellphone at iba pang electronic gadgets sa loob ng eskuwelahan kapag class hours.

Sa ilalim ng panukalang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706), inaatasan nito ang Department of Education (DepEd) na ipahayag ang guidelines patungkol sa pagbabawal na paggamit ng cellphone at iba pang electronic gadgets sa loob ng eskuwelahan sa oras ng klase. Ang guidelines ay ia-apply sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school sa parehong pampubliko at pribadong paaralan. Maging ang mga guro ay pinagbabawalan ding gumamit ng mga mobile device at electronic gadgets sa oras ng klase.

Bagamat nagagamit ang mga electronic gadgets para sa mahusay na pag-aaral at pagtuturo, sinabi ni Gatchalian na maaari rin daw itong magdulot ng mga “distractions” na maaaring makaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Aside from decrease in learners’ academic performance, access to such devices seems likely to mediate involvement in cyberbullying that is why the use of mobile devices and other electronic gadgets must be restricted, especially during class hours,” ani Gatchalian sa isang pahayag nitong Lunes, Hunyo 10.

Samantala, mayroong "exceptions" ang panukalang batas: “Learning related-exceptions such as classroom presentation or class-based learning activities; health and well-being-related exceptions such as learners with health conditions and require the use of mobile devices and electronic gadgets; and exceptions related to managing risks such as emergencies, response to perceived threats or dangers, and during field trips or activities outside school premises.”