Ngayong Pride Month, binalikan ni Senador Risa Hontiveros ang naging pagdalo niya sa Pride March noong 2014, at muling nanawagang ipasa na ang panukalang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE).

Sa isang Facebook post nitong Sabado, Hunyo 8, ibinahagi ni Hontiveros ang kaniyang larawan nang dumalo siya sa Pride March sa Quezon CIty noong 2014.

“2014 Pride March sa Quezon City!” anang senadora sa kaniyang post.

“Mula noon hanggang ngayon, ang ating sigaw: PASS THE SOGIE EQUALITY BILL! 🌈,” dagdag niya.

Ngayong buwan ng Hunyo ipinagdiriwang ang Pride Month para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. 

Samantala, layon daw ng SOGIE bill na protektahan ang bawat indibidwal laban sa diskriminasyong nakabase sa kanilang “sexual orientation, gender identity, and expression.”

Taong 2022 nang ihain ni Hontiveros ang naturang panukala, ngunit hanggang ngayon ay pending ito sa committee level ng Senado.