Isang Pilipino ang nasawi halos dalawang linggo pa lamang matapos silang lumipad pa-Canada ng kaniyang asawa para humanap ng magandang trabaho doon, at dahil wala pa umanong ipon, nananawagan ngayon ng tulong ang kaniyang pamilya at mga kababayan sa naturang bansa upang maiuwi nang maayos sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.

Base sa Facebook live ng Pinay na isa nang Canadian citizen at kaibigan ng pamilya na si Honey Loveu Much, nasawi ang 41-anyos na si “Christian” noong Hunyo 4, 2024.

Ayon kay Honey, Mayo 25, 2024 nang dumating sa Canada si Christian at asawa niyang si Lalaine upang humanap ng magandang trabaho sa naturang bansa at magkaroon ng magandang buhay.

Pagsasalaysay naman ng kapatid ni Christian na si “Mary Anne” sa naturang Facebook live, dahil bagong dating pa lamang daw sa Canada ang mag-asawa ay pinagpapahinga muna niya ang mga ito sa kanilang bahay bilang paghahanda kapag nagsimula na silang magtrabaho.

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Samantala, pag-uwi raw ni Mary Anne sa kanilang bahay noon lamang Hunyo 4, sinabi ng asawa ni Christian na umalis ito ng bahay dahil nag-jogging daw ito.

Ngunit makalipas ang kalahating oras ay hindi pa rin umano dumarating si Christian kaya’t nag-alala na sila at agad itong tinawagan. 

Laking pagkabigla raw nina Mary Anne at Lalaine nang isang nurse ang sumagot sa kanila at nasa ospital daw si Christian. Doon na raw ito binawian ng buhay. 

Hindi pa raw alam ng pamilya ang naging sanhi ng pagkamatay ni Christian, at “unknown” pa rin umano ang nakalagay na rason sa death certificate ng doktor.

“Malakas po ‘yung kapatid ko at malusog po ang pangangatawan, pero hindi ko po alam kung ano po ‘yung sanhi ng kaniyang ikinamatay,” ani Mary Anne.

“Kakarating lang po niya, ang dami ko pang pangarap para sa kaniya. Ang dami pa naming gustong gawin. Excited pa siya sa trabaho niya. Excited pa siya na nandito na siya sa Canada,” saad pa niya.

Inihayag din ni Lalaine na hindi niya lubos maisip na papanaw ang kaniyang asawa dahil wala naman daw itong sakit.

“Sobrang healthy niya. Sa Pilipinas pa lang, sobrang daming nagulat, lahat ng kaibigan niya. Sobrang bait na tao ni Christian,” aniya.

Nanawagan din si Lalaine ng tulong para maiuwi ang mga labi ni Christian at para mabigyan daw ito ng maayos na burol at libing sa Pilipinas.

“Ngayong nawala na siya, ako po, kasama ng mga pamilya namin, kumakatok po kami sa inyo, na sana po matulungan ninyo kami kasi gusto ko po siyang maiuwi sa Pilipinas nang maayos. Gusto ko po siyang mabigyan ng maayos na libingan, ng burol. Nang sa gayon, makabawi po ako sa kaniya sa pagiging mabuting asawa niya sa akin,” saad niya.

Base sa naturang post, maaaring magpaabot ng tulong sa pamilya para maiuwi ang mga labi ni Christian sa pamamagitan ng etransfer kay Lalaine sa: [email protected].