Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hunyo 9.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.

Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Inaasahan din daw na magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Ilocos Region, CALABARZON, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.

Posible rin ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga naturang lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).