Ipinaabot ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang kaniyang pasasalamat para kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez matapos niyang dumalo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fairs (BPSF) sa Davao del Norte nitong Biyernes, Hunyo 7.

"Congratulations to the people of Davao del Norte and Tagum City, and many thanks to President Marcos and Speaker Romualdez," ani Arroyo sa isang panayam ng mga mamamahayag.

Si Romualdez ang nanguna sa paglulunsad ng BPSF sa Tagum City. Siya rin daw ang isa sa mga main organizer ng programa.

Samantala, ang naturang pakikiisa ni Arroyo sa paglulunsad ng dalawang araw ng BPSF sa Davao del Norte Sports Complex ang unang pagkakataon na dadalo siya sa kaganapan.

Kaugnay nito, sinabi ni Arroyo na bukas siyang muling dumalo sa mga susunod na BPSF kapag inimbitahan siya.

Mula sa 19 service caravans ng administrasyong Marcos, ang Tagum BPSF daw ang inaasahang magiging pinakamalaking service caravan pagdating sa beneficiaries at assistance.

Nasa 250,000 mga residente ang inaasahang matutulungan ng ₱913 milyong halaga ng government services, cash, education, at livelihood assistance.