Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipinong maging handa sa tag-ulan at sa posibleng pagtama ng malalakas na bagyo sa bansa.
Sa kaniyang talumpati sa Legazpi City nitong Biyernes, Hunyo 7, sinabi ni Marcos na naghahanda na ang pamahalaan sa tag-ulan, at inatasan na rin daw niya ang mga lokal na pamahalaan na maging handa sa napipintong La Niña.
“Nais kong ipaalam sa inyo na naghahanda na ang pamahalaan para sa panahon ng tag-ulan,” ani Marcos.
“[Kayo] rin po, dapat maging handa sa posibleng pagtama muli ng mga malalakas na bagyo at pagbaha,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan din ng pangulo ang lahat ng lokal na pamahalaan na siguruhing may sapat na supply ng pagkain at suriing muli ang kanilang mga plano tuwing may banta ng sakuna.
Bumisita si Marcos sa Legazpi nitong Biyernes upang magpamahagi ng government assistance sa mga naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Matatandaang nitong Biyernes ng umaga nang ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng El Niño.