Nakatakda nang itayo sa unang distrito ng Tondo sa Maynila ang isang bago at modernong Isabelo delos Reyes Elementary School.

Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa groundbreaking ceremony ng anim na palapag na gusaling magkakaloob sa mga mag-aaral ng bagong lugar na mas kaiga-igaya sa kanilang pag-aaral.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

"Bahagi ito ng ating prayoridad sa paglilingkod bilang inyong punong lungsod at itinuturing na ina ng mga Batang Maynila. Nais nating maging kumportable ang ating mga mag-aaral gayundin ang mga kaguruan sa mga panahon na narito sila sa loob ng paaralan," ayon sa alkalde.

Umaasa ang alkalde na dahil sa proyektong ito, magiging mas inspirado ang mga guro sa pagtupad sa kanilang tungkulin, hindi lamang bilang tagapagturo kundi bilang ikalawang magulang ng kanilang mga mag-aaral.

Dagdag pa niya, "Siyempre, nais din natin itong magsilbing inspirasyon sa ating mga Batang Manilenyo upang sipagin pang lalo na pumasok sa paaralan, mag-aral upang palaguin ang kanilang kaalaman at kasanayan. Ito ay regalo natin para sa mga taga Isabelo delos Reyes Elementary School at sa lahat pang mga batang Tondo na gagawi at mag-aaral dito."

Siniguro pa ng alkalde na ang pamahalaang lungsod sa ilalim ng kanyang pamamahala ay hindi titigil at sa halip ay patuloy na magsusumikap upang patuloy na mapataas ang kalidad ng pag-aaral sa lungsod para matiyak ang magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.

Ibinahagi naman ni City Engineer Armand Andres na ang planong bagong gusaling paaralan ay magkakaroon ng mga modernong  amenities.

Mayroong 9,273 square meter floor area, nabatid na ang naturang paaralan ay magkakaroon ng 49 classrooms, e-room, laboratory, library, auditorium at conference room.

Magkakaroon din ito ng apat na  elevator units, restrooms,  faculty room, offices, canteen at roof deck area.

Bukod kina Lacuna at Andres, kabilang din sa mga dumalo sa  groundbreaking ceremony sina Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Congressman Ernix Dionisio (1st district), City Electrician Randy Sadac, City Architect Pepito Balmoris, Division of Schools Superintendent Rita Riddle, Isabelo Delos Reyes Elementary School Principal Marcelo Mislang, mga konsehal ng unang distrito at iba pang city officials.