Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Hunyo 7, dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki ang tsansang makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorms.

National

Pag-aresto kina Guo, isang hakbang para masiguro kaligtasan ng PH -- Gatchalian

Posible rin ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga naturang lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).