Mayroong sagot si P3PWD Party-list nominee Rowena Guanzon sa mga taong ginagamit ang relihiyon para tutulan ang panukalang diborsyo sa bansa.
Sa kaniyang X post, sinabi ni Guanzon na isa siyang abogado at hindi religious theologian. Naniniwala raw siyang mayroong “freedom of religion” ang bawat isa.
Gayunpaman, sinabi rin ng dating Commission on Elections (Comelec) commissioner na huwag daw dapat ipagpilitan ng mga taong tutol sa divorce ang kanilang paniniwala sa mga taong naniniwalang dapat magkaroon ng kalayaang mamili ang bawat isa.
“On divorce : I am a lawyer not a religious theologian. If religion is your basis for your opposition to divorce then I have nothing to say to u. You have freedom of religion,” ani Guanzon sa kaniyang post.
“But don't impose it on us who believe people should have a choice. A choice,” saad pa niya.
Mainit na usapin ngayon ang diborsyo matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagdinig ang House Bill No.9349 o ang Absolute Divorce Law.
Tutol naman dito ang ilang mga indibidwal dahil laban daw ito sa paniniwala ng Simbahang Katolika na dapat laging gawing sagrado ang kasal.
Samantala, matatandaang sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 50% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagsasalegal ng diborsyo sa bansa.
https://balita.net.ph/2024/06/02/50-ng-mga-pinoy-suportado-ang-divorce-sws/