Inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Hunyo 6, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dahil sa habagat.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki naman daw ang tsansang makaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan at thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorms.
Posible rin ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga naturang lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).