Pagtutulungan umano ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na sugpuin ang sekswal na pang-aabuso at pananamantalang nararanasan ng mga bata sa online world.
Sa ginanap na press briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, Hunyo 5, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. kung paano ang gagawin nilang dulog susupilin ang naturang krimen laban sa mga bulnerableng bata.
“[...] Ang nangyari po nitong approach, hindi lamang po ang pulis ang gagalaw. Ito'y inter-agency. Ito'y pinagsama-samang lakas ng gobyerno,” saad ni Abalos, Jr.
“Nandito na po, of course, ang kapulisan. Pagkatapos nandito na rin po Department of Justice para sila po ang magpo-prosecute. Kasama na rin po ang DSWD, 'no. At iba pang ahensya,” aniya.
Bukod dito, binanggit din ni Abalos, Jr. ang mahalagang papel na gagampanan ng mga opisyal ng barangay sa pagsugpo ng krimeng ito.
Ayon sa kalihim: “Importante po rito of course 'yong pagsusumbungan sa pinakababa, sa barangay level. [...] Mayroon po tayong mga VAWC desk 'no. Ito 'yong violence against women and children.
“Ang importante kasi, sabi nga ng pangulo, saan magsusumbong 'yong bata? Kanino magsusumbong ito? At 'pag sumbong sa barangay, alam ba ng barangay kung anong gagawin?” dugtong pa niya.
Kaya naman, imamandato umano ng DILG na gawing indikasyon ng isang mabuting pamamalakad sa lokal na gobyerno ang pagtugon sa mga suliraning may kinalaman sa sekswal na pang-aabuso at pananamantalang nararanasan ng mga bata sa online world.