Viral ang Facebook post ng isang netizen matapos niyang ibahagi ang pagkakatanggap ng isang text message mula raw sa Social Security System (SSS) na may salary loan siyang kailangang bayaran.
Saad ng netizen, una raw ay inakala niyang "scam" ang natanggap na mensahe, subalit nang i-check niya ang account sa SSS portal, doon niya napag-alamang totoo pala.
Kailangan daw niyang i-settle ang ₱10,000 salary loan, bagay na ikinagulat ng netizen dahil hindi naman daw siya nag-apply ng loan.
Mababasa sa kaniyang viral Facebook post:
"Gusto ko lang share para sa kaalaman ng lahat:
I got this sms message from SSS earlier this week. Una inakala ko na scam text lang siya, pero out of curiosity i checked my SSS account sa online portal nila, and surprise!!!!!!!!! May nakapag loan using my account!!!! And just like that may utang na akong 10k na hindi ko naman ginawa. May isa pa ako na officemate na may same text, pero di pa nya na checheck yung SSS nya.
If you received this same message, call SSS para malaman nyo na. Feeling ko inside job to. Nakaka suka and i dont feel safe dahil nangyayari to 🤮🤮🤮."
Sa comment section, marami sa mga netizen ang nagpatotoong naranasan din nila o ng kakilala nila ang nangyari sa nagrereklamo.
"ganyan din nangyari sa mama ko, nagtaka kami bat may loan siya tapos ang sabi saamin pag daw matagal na contributor tapos walang loan ganun ginawa ng ibang employee pero na settle din kase may katrabaho na nag sumbong tapos natanggal na yung employee dun."
"Mama ko din po, P61k ung niloan tapos 1month to pay lang ang inilagay, ngayon tapos na ung 1month, ang laki ng penalty na. Salary loan siya eh wala ngang trabaho mama ko 🙄"
"Salary loan, tapos same kayo ng katrabaho mo. So si company nyo yan, isettle nyo sa hr."
"Na-settle nyo po ba yan? Ano pong ginawa nyo? Advice po kasi sa SSS gumawa daw po kami ng parang letter na nag-eexplain kung paano kami nagkaroon ng loan na hindi naman kami ung nag-loan, and proof daw po na wala kaming natanggap and na hindi talaga si mama ang nag-loan. Baka daw kasi may ibang nakaka-access ng account ng mama ko tapos un daw ang nag-loan, in our case ako ang nakakapagbukas ng portal ni mama pero di naman ako nag-loan dun shuta mapapagbintangan pa ako samantalang sa main branch ng SSS naka file, di ko nga alam kung saan un 🙄🙄🙄 Pa-reply po sana kung ano pong ginawa nyo if ever na-settle na po itong issue. Thank you po."
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa nagrereklamong netizen, sinabi niyang nag-email na siya sa SSS upang idulog ang nangyari. Napag-alaman ding 2011 pa raw ang nabanggit na salary loan sa kaniyang account na nagkakahalagang ₱2,000, subalit lumaki na ang interest kaya umabot sa ₱10,000.
Upang hindi na lumaki, binayaran na lamang ng netizen ang buong loan.
"When I told my sister about what happened last week, sinabi nya na bayaran ko na lang daw," saad ng netizen sa panayam ng Balita.
"Feeling ko matagal na may gumagawa nito. Tapos na-discover lang nong nag-text si SSS," aniya pa.
Nagpadala rin ng mga katibayan ang netizen sa pagpapadala niya ng email sa SSS gayundin ang tugon nito sa kaniya.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 3.2k reactions, 4.2k shares, at 1.1k comments ang nabanggit na viral post.
Nakipag-ugnayan ang Balita sa SSS upang hingin ang kanilang sagot, paliwanag, o pahayag kaugnay sa isyu subalit wala pang tugon mula sa kanila. Bukas ang Balita sa kanilang panig.