Patuloy na hinahangaan ng mga netizen ang isang labanderang nagawang makapagpatapos hindi lamang isa, dalawa, kundi anim na anak sa kolehiyo, at lahat sila ay pawang titulado na!

Sa ulat ng GMA News Online noong Mayo, hinangaan ng mga netizen ang diskarte ng 67-anyos na si Malou Certeza matapos mamasukan bilang labandera sa limang magkakaibang pamilya, nang mawalan ng trabaho ang kaniyang mister. Ang asawa naman niya ay tumutulong sa kaniya sa pagbubuhat ng mga labada at pagsasampay.

Bukod sa paglalabada, tulong-tulong din sila sa paghahanap ng pagkakakitaan dahil hindi naman sasapat ang kita rito. Pinasok din nila ang pagtitinda ng mga meryenda gaya ng banana cue, kamote cue, at iba pa. Pati ang mga anak nila ay kumayod din upang makapagpatuloy sa pag-aaral.

"'Yong panganay ko pagkagaling sa school maglalako ‘yan ng banana-cue, ng kamote-cue, may pambaon siya bukas. 'Yong pangalawa, katulong ko sa paglalabada taga-banlaw ko. ‘Yong mister ko naman ang tagahatid ng labada at tagatanggal ng sampay,” aniya.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Minabuti ni Malou na pagtapusin at igapang ang pag-aaral ng mga anak dahil ayaw niyang manatiling mahirap ang mga anak, na puwedeng mamana naman ng kaniyang mga magiging apo.

Nang makatapos naman ng pag-aaral ang panganay na si Apple, ipinangako niya sa mga magulang na kusang-loob siyang tutulong sa pag-aaral ng mga kapatid at upang maiahon na rin sa hirap ang kanilang pamilya.

Sa kasalukuyan, inani na nila ang bunga ng kanilang paghihirap.