Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang panunumpa ng singer-politician na si Imelda Papin bilang bagong acting member ng Board of Directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office ngayong araw ng Martes, Hunyo 4, 2024.
Makikita sa opisyal na Facebook page ng Presidential Communications Office ang panunumpa ni Papin para sa nabanggit na posisyon.
"Pinamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa ni Ms. Imelda Papin bilang Acting Member ng Board of Directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office ngayong araw, ika-4 ng Hunyo 2024," mababasa sa caption ng post.
Matatandaang noong Abril, isang vlogger ang nagtanong kay Papin kung totoo ba ang mga kumakalat na balitang siya ang itatalagang bagong chairperson ng PCSO, sa ginanap na media conference para sa kaniyang biopic movie na "Imelda Papin: The Untold Story" na ginanap sa SM Mall of Asia noong Abril 7, 2024.
“Umuugong po ang balita na ako po’y ilalagay sa PCSO. Pero, may nagsabi po kasi sa akin na, 'Hintay-hintay ka lang!'” natatawa niyang sagot.
“Kung ako po’y mailalagay sa PCSO, eh 'di salamat sa Diyos makakatulong ako lalo sa mga nangangailangan. Maghintay lang daw nang konti," dagdag pa niya.
Si Imelda ay malapit sa pamilya Marcos; sa katunayan, ang kaniyang biopic movie ay umikot sa pagsama niya kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Hawaii.