Nakapasok na sa bansa ang FLiRT variants ng COVID-19 ngunit nananatili pa rin naman umanong low risk sa virus ang lahat ng rehiyon sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes, base na rin sa pinakahuling sequencing data ng University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC).

Sa datos na ibinahagi ng DOH, nabatid na nakapagtala na ang Pilipinas ng dalawang kaso ng KP.2, na kabilang sa tinatawag na FLiRT variants.

May naitala na rin umano silang 30 kaso ng JN.1 at dalawang kaso ng JN.1.18, hanggang noong nakaraang buwan.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, ang pinakamaagang sample collection date para sa KP.2 sa bansa ay naitala noon pang Mayo 2024.

Aminado naman si Domingo na maaaring may mga KP.2 cases na mas nauna pang naitala dito ngunit dahil sa limitadong sequencing ay hindi kaagad na-detect ang mga ito.

“The DOH has been operating with the assumption that the flagged Omicron subvariants are already likely here. Recent sequencing data by the University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC) confirm this, with the identification of 30 cases of JN.1, 2 cases of JN.18, and 2 cases of KP.2,” anang DOH.

Nabatid na mayroong apat na variants under monitoring (VUM), kabilang dito ang JN.1.7, JN.1.18, KP.2 at KP.3.

Ang mga ito ay pawang descendants ng JN.1, na isang variant of interest na responsable sa pagtaas ng mga kaso ng impeksiyon sa unang bahagi ng taon.

Ang variants na KP.2 at KP.3 naman ay ang mga tamang pangalan ng “FLiRT” variants.

Paliwanag pa ng DOH, “FLiRT is a nickname coined by some researchers to describe amino acid changes in the COVID-19 virus’ spike protein, specifically from phenylalanine (F) to leucine (L) at position 456, and from arginine (R) to threonine (T) at position 346.”

Anang DOH, iniiwasan nila ang paggamit sa salitang FLiRT upang tukuyin ang mga subvariants, dahil ang naturang termino ay informal at casual at maaari anilang magresulta sa miscommunication ng health risk.

Nilinaw pa ng DOH na wala pa ring ebidensiya na ang KP.2 at KP.3 variants ay nagdudulot ng severe to critical COVID-19, locally man o internationally.

Tiniyak din ng DOH na wala pa ring dapat na ikabahala ang mga mamamayan dahil nananatili pa rin namang nasa low risk sa COVID-19 ang lahat ng rehiyon sa bansa.

Mahigpit din naman ang paalala ng DOH sa publiko na maging maingat at patuloy na tumalima sa basic health protocols upang makaiwas na dapuan ng karamdaman.