Umarangkada na nitong Lunes ang isang linggong aktibidad na inihanda ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa Migrant Workers’ Day.

Nabatid na pinasimulan ng DMW ang aktibidad sa pamamagitan nang pagkakaloob ng tulong pinansiyal at libreng medical services sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Ayon kay DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi, nasa kabuuang 104 OFWs ang naaprubahang tumanggap ng cash grants mula sa DMW.

Una na aniyang tumanggap ng tig-P30,000 tulong pinansiyal nitong Lunes ang 47 OFWs habang ang ikalawang batch naman ay tatanggap ng cash aid sa mismong Migrant Workers’ Day sa Hunyo 7.

“Sa June 7 meron na kaming another 44 beneficiaries pero continuous po ‘yan dahil 104 po ang ating naaprubahan na makakatanggap,” ani Legaspi.

Nabatid na karamihan sa mga benepisyaryo ng cash grants ay OFWs na hindi na nakabalik sa kani-kanilang trabaho sa ibang bansa habang ang iba pa ay mga distressed OFWs na kinailangang pauwiin ng Pilipinas dahil sa kalamidad.

Samantala, ayon naman kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, layunin ng naturang pondo na matulungan ang mga OFWs na makapagsimulang muli, kaya’t ang iba sa kanila ay binigyan ng tulong pangkabuhayan.

Nagmula aniya ang tulong pinansiyal sa P2.8 bilyong action fund ng DMW.

Kaugnay nito, nabatid na pagkakalooban din ng DMW ng libreng serbisyong medikal ang mga OFWs sa pamamagitan ng OFW Hospital.

Ayon sa DMW, maaaring i-avail ng mga OFWs at kanilang mga pamilya ang libreng medical consultation at services sa DMW Head Office, mula nitong Lunes, Hunyo 3, hanggang Hunyo 7.