Naglabas ng pahayag ang Liberal Party kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.

Sa X post ni Atty. Leila De Lima nitong Lunes, Hunyo 3, nakasaad doon na nakikiisa umano ang Liberal Party sa panawagan na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa bansa dahil sa nakakabahalang epekto nito sa lipunan.

“Maaalala na 2020 pa lamang, mariin nang tinutulan ng mga miyembro ng Partido at ng mga kaalyado nito ang legalisasyon ng mga POGO. Makikita ito sa ginawang pagboto laban dito nina Senator Franklin Drilon at Senator Francis Pangilinan, at maging ni Senator Risa Hontiveros,” pahayag ng partido.

“Noon pa man, malinaw nang lampas pa sa usapin ng pagsusugal ang pinsalang dulot ng POGO sa Pilipinas. Naiugnay ito sa pagdami ng mga gawaing kriminal, kasama na ang money laundering, human trafficking, at korapsiyon,” anila. 

Dagdag pa nila: “Bukod pa riyan, nakadaragdag ito sa paghina ng mga pamilya at sa paglala ng mga problema sa kalusugang pangkaisipan.”

Sa huli, sinabi nila na kapakanan umano dapat ng mga Pilipino ang inuuna ng gobyerno sa halip na kung anomang pangako ng pag-ulad na dala ng mga POGO. Kaya naman, binigyang-diin ng Liberal Party na itigl ang operasyon nito.

“Pangalagaan ang integridad ng ating bansa at ang kinabukasan ng mga Pilipino!” saad pa nila.