Patay ang isang babae matapos na pagpapaluin umano ng tubo ng kanyang kinakasama sa harapan mismo ng kanilang anak sa Sta. Cruz, Manila, nabatid nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Analie Paje, 43, ng Oroquieta St., Sta. Cruz, habang nakatakas at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang kanyang live-in partner na si Ricardo Lagbo, residente rin ng naturang lugar.

Metro

Halos 300 Manilenyong may kanser at nagda-dialysis, natulungan ng Manila LGU

Batay sa ulat ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na Sabado pa ng gabi nang maganap ang krimen ngunit dakong alas-9:30 ng umaga nitong Linggo lamang nang madiskubre ang krimen na naganap sa loob ng tahanan ng biktima at suspek.

Lumilitaw sa salaysay ng anak ng biktima at suspek, na itinago sa pangalang ‘Nene,’ 8, na bago ang krimen ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang kanyang nanay at tatay hanggang sa kumuha umano ng tubo ang ama, na nakatago sa ilalim ng kama, at hinambalos ang kanyang ina sa ulo at likod.

Matapos ito ay kaagad na nag-empake ng mga damit ang suspek, kinuha ang mga pera ng biktima at ang alkansiya ng anak, at saka mabilis na umalis.

Tinangka umano ng paslit na humingi ng tulong sa mga kapitbahay ngunit hindi siya makalabas ng bahay dahil ikinandado ng ama ang kanilang bahay mula sa labas.

Wala naman umanong nakarinig sa paghingi ng tulong ng paslit hanggang sa siya ay makatulog.

Nagising umano ang bata ng madaling araw ng Linggo at tinangkang gisingin ang ina ngunit hindi na ito magising.

Muli umanong nakatulog ang bata at dakong alas-9:30 na ng umaga nang siya ay muling humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Dito na may nakarinig sa musmos at dali-daling binuksan ang pintuan ng bahay ngunit nadiskubreng patay na ang biktima.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad para sa agarang ikaaaresto ng suspek.