Marami ang nagpaabot ng tulong sa mag-ina sa Bukidnon na hindi umabot sa closing ceremony para tanggapin ang medalya ng anak dahil nagtinda pa sila ng mga gulay.
Ang naturang pag-ulan ng blessings ay matapos mag-viral ang Facebook post ng gurong si Delia Buaya tampok ang kaniyang grade 1 pupil na si “Vivilyn” at ina nito na dumating sa eskwelahan sa Lilingayon Central School sa Valencia City, Bukidnon habang dala-dala pa ang isang palanggana na may nakalagay na mga gulay.
Tapos na ang closing program nang dumating ang mag-ina dahil nagtinda pa raw sila ng mga gulay dahil hindi pa sila nakakabili ng costume ng anak para sa dance performance ng mga ito sa eskwelahan.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Delia, ibinahagi nitong matapos mag-viral ang kaniyang post ay maraming netizens ang nanghingi ng Gcash number para maipaabot nila sa mag-ina ang kanilang tulong.
Umabot daw sa ₱13,000 ang halaga ng blessings na nalikom ng guro, kaya’t masaya niya itong ibinalita kaagad kay Vivilyn, sa kaniyang ina, at maging sa kaniyang ama na isa raw manggagawa sa bukid, maging sa tatay nitong isa raw manggagawa sa bukid.
“Napakasaya at ‘salamat’ ang lagi nilang sinasabi. Kundi daw dahil sa aking post, hindi raw sila natulungan,” ani Teacher Delia. “So grateful kaayo sa Panginoon na ginamit niya ako para matulungan sila.”
Matapos iabot ang tulong sa mag-ina ay sinamahan din daw ng guro ang mga itong mag-grocery para bumili ng bigas, mga gamit sa bahay, at damit ni Vivilyn. Naging masaya rin daw ang mag-inang pumasyal sa isang mall at kumain sa labas.
Ayon pa sa guro, maging siya ay napakasaya na rin sa blessings na natanggap ng pamilya ng kaniyang estudyante na inilarawan niya bilang isang tahimik, masunurin, magalang, at maayos makisama sa kaniyang mga kaklase at kapwa.