Kalahati o 50% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa pagsasalegal ng diborsyo sa bansa, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Base sa First Quarter 2024 survey ng SWS na inilabas nitong Sabado, Hunyo 1, 28% daw ng mga Pinoy ang lubos na sumasang-ayon at 22% ang bahagyang sumasang-ayon sa katagang: “Married couples who have already separated and cannot reconcile anymore should be allowed to divorce so that they can get legally married again.”
Samantala, 31% ang hindi sumasang-ayon, kung saan 12% dito ang “somewhat disagree” at 20% ang “strongly disagree,” sa pagsasalegal ng diborsyo sa bansa.
Nasa 17% naman daw ang “undecided” pa sa naturang isyu.
Dahil dito, +19 ang lumabas na net agreement score (% agree minus % disagree) ng survey, nangangahulugang ito ay “moderately strong.”
“This is down from the moderately strong +27 (55% agree, 27% disagree, correctly rounded) in June 2023 and the record-high very strong +44 (65% agree, 21% disagree) in March 2023,” anang SWS.
Ginawa raw ang naturang survey mula Marso 21 hanggang 25, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondents na nasa 18 pataas ang edad.
Mainit na usapin ngayon panukalang batas na diborsyo matapos maipasa kamakailan ang absolute divorce bill sa ikatlo at huling pagdinig ng Kongreso, at sa kasalukuyan ay tinitimbang sa Senado.