Marami pa ring magpapatunay na buhay na buhay pa rin sa kasalukuyang panahon ang "pagmamalasakit" at "kabutihan."

Nagpaantig sa damdamin ng mga netizen ang isang viral Facebook post patungkol sa engkuwentro ng isang babaeng nagngangalang "Joy Anne Vicente" sa isang batang lalaking suma-sideline bilang taga-asiste sa pagpa-parking ng mga sasakyan sa isang establisyemento, na ibinahagi naman ng Facebook page na "Pilipinas Today Batangas."

Kuwento ni Vicente, inasiste siya ng batang lalaki para makausad ang kaniyang sasakyan papasok sa parking lot, at binigyan niya ito ng kaunting pera at nagpasalamat. Nang mga sandaling iyon ay tanghalian na.

Nilapitan daw siya ulit ng batang lalaki at tinanong siya kung ayos pa siya dahil lunchtime na nga. Sa kaunting tsikahan, napag-alamang nakikain ang bata sa mga security guard at nairaos nito ang tanghalian. Tinanong naman siya ng bata kung hindi pa siya kakain. Sagot niya, hihintayin daw niya ang kasama dahil wala siyang dalang pera.

Human-Interest

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan

Humingi daw ang bata ng 20 piso sa kaniya subalit hindi na niya nabigyan dahil sinabi niyang wala na siyang pera at nasa kasama niya ang pitaka. Nag-insist ang bata na bibilhan siya ng makakain sa canteen.

"Me: Hindi ko nga alam e. Di pa kasi tapos sila Mama sa loob. Kumain ka na? Ba't nasa labas ka? Bawal ang bata diba?

Him: Opo Ate. Nakisubo ako sa mga guard, katatapos lang. Dito lang talaga ako sa parking. Ikaw di ka pa ba kakain?

Me: Hintayin ko na sila Mama. Wala pala kasi akong dalang wallet.

Him: Edi gutom ka na niyan? Ano bang gusto mong kainin may canteen naman dito bilhan kita.

Me: Wag na. Okay lang ako. Hintayin ko nalang sila baka patapos na yun.

Him: May bente ka ba jan? (Akala ko nanghihingi)

Me: Puro coins lang to e, wala akong wallet talaga. Sorry.

Him: Ehhh? Magugutom ka niyan sana dumating na kasama mo."

Matapos daw nito ay agad naman daw umalis ang bata. Pero maya-maya raw ay muling kumatok sa bintana ng kaniyang kotse ang batang lalaki at inaabot sa kaniya ang isang turon."

Him: "Ate oh. Turon. Binilhan kita. Di ka kasi nagbigay ng bente e. Para sana kanin nalang bibilhin ko, 20 lang naman ulam pwede na."

"Pinipilit ko na sya nalang yung kumain ng turon kasi nakisubo lang sya sa mga guard na nag-aalaga sa kanya. Pero yung 10 pesos na inabot ko earlier pinangbili nya pa ng turon kasi gutom na daw ako."

"I'm so touched. May mga tao pa rin talagang ganito. Minsan kung sino pa yung walang wala, sila pa yung nagbibigay," nasabi na lamang daw ng babae.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. Anila, bukod sa bata, dapat din umanong purihin ang mga security guard na nag-aalaga sa kaniya, dahil sa kanila niya natutuhan ang pagmamalasakit sa kapwa sa murang edad.

"ganyan kase ung pagmamalasakit s knya ng guard, kaya ginagawa rn nya, kung anong nkikita ng bata sa matanda, gagayahin nya at yun ang tama sa paningin ng bata"

"and sometimes I judge them 🙁 mahirap maging tao ..mahirap magtiwala din kasi pero sa batang eto..sana ay bibigyan kapa ni God ng mahabang buhay at maging matagumpay sa hinaharap. May God bless u empathic soul."

"Nakaka lambot ng puso 🥹 Bless this kid Lord."

"Kasi alam nya Ang pakiramdam ng nagugutom🥹"

"Sana may mag sponsor sa batang yan☺️🥰 malayo ang aabutin nyan pagmakatapos yan ng pag aaral at naging succesful sa future.. Such a pure heart🥰🥰🥰 sa panahon ngayon bihira nlang ang ganyan. My salute to this little boy🥰❤️God bless sayo🥰🙏"

"Salute din sa mga guard kasi di sila tinataboy pinasasalo pa nila sa pagkain nila 😊💕"

"alam niya kasi pakiramdam ng nagugutom, Sana mabagsakan ng biyaya yang bata na yan at guminhawa ang buhay♥️🙏"

"Kaya sya ganyan.. kase di rin sya pinagdadamutan nung guard ng pagkain nya.... Kaya pag gumagawa ka ng maganda napapasa rin sa iba... Spread kindness and love... ... Choose to be kind mahirap man o may-kaya..."

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 86k ang reactions, 22k shares, at 794 comments ang nabanggit na post.