Nagbigay ng reaksiyon ang Department of Education (DepEd) matapos mag-viral ang isang social media post na kumukuwestiyon sa tila dumaraming estudyanteng nakakatanggap ng awards subalit nahuhuli naman sa Program for International Student Assessment o PISA.

Ayon sa post: “It's graduation season. Pero bakit parang lahat ng mga bata may honor at awards? Sorry hindi naman sa hindi masaya para sa kanila, pero naalala ko lang ang hirap mag-honor dati at pag may honor ka parang nakakabilib talaga. Musta naman yun 2/3 ng class may honor? Tapos kulelat tayo sa PISA?”

Pero ayon sa panayam kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas sa TeleRadyo Serbisyo noong Biyernes, Mayo 31, magkaiba umano ang parametrong ginagamit sa PISA at sa pagbibigay ng awards sa mga estudyante.

"Iba naman ang parameters na ginagamit ng PISA when it comes to determining the scores of the countries. Iba rin naman ang parameters ang ginagamit natin for the awards and recognition sa schools based on achievements. So hindi natin pwede i-compare iyong results ng ating classroom performances with that of international large-scale assessments," pahayag ni Bringas.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Batay sa kasalukuyang sistema ng DepEd sa pagtatantos ng general weighted average (GWA) upang maging batayan sa mga bibigyan ng parangal at pagkilala, ang mga estudyanteng nagkaroon ng kabuuang gradong 90 to 94 ay awtomatikong “with honors.” Kapag 95 to 97,  “with high honor.” Pero kapag nakakuha ng 98 to 100, “with highest honor.” 

Tinanggal na kasi ang mga titulong “valedictorian,” “salutatorian,” at “honorable mentions” simula noong ipatupad ang K to 12 program.

Sa ganitong paraan, ayon pa kay Bringas, maiiwasan ang kompetisyon sa pagitan ng mga mag-aaral sapagkat ang tanging magiging katunggali na lang nila ay ang kani-kanilang sarili.