Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Mayo 31, na may binabantayan silang bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio na huling namataan ang bagyo na nasa kategoryang “tropical depression” 955 kilometro ang layo sa kanluran ng Northern Luzon.
May lakas daw ito ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour.
Sa kabila nito, ani Aurelio, inaasahang kikilos ang bagyo patungo sa bansang China.
Samantala, patuloy naman daw ang paghina ng epekto ng southwest monsoon o habagat. sa bansa. Ito ay dahil daw sa paghatak ng bagyo sa habagat palayo sa bansa.
Kaugnay nito, inaasahang ang frontal system, o ang weather system kung saan nagsasalpukan ang mainit at malamig na hangin, ang makaaapekto at magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Inaasahan namang magiging maaliwalas ang panahon sa malaking bahagi ng bansa, kabilang na ang Metro Manila, ngunit may tsansa pa rin ng mga pulo-pulong pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.