Mainit na usapin ngayon ang panukalang batas na diborsyo matapos maipasa kamakailan ang absolute divorce bill sa ikatlo at huling pagdinig ng Kongreso, at ngayon ay tinitimbang sa Senado.

Ngunit, ano nga ba ang pagkakaiba ng panukalang absolute divorce sa Kongreso at ng annulment of marriage na siyang mayroon ngayon sa Pilipinas sa ilalim ng Family Code?

Ayon sa ulat ng GMA Public Affairs, sinabi ni Atty. Richie Pilares, isang family lawyer at senior partner sa Puno Law Firm, na ang annulment ay tumutukoy sa pagsasawalang-bisa ng aktuwal na kasal o ang pagdedeklarang “void” ang kasal ng dating magkasintahan.

Sa ilalim naman daw ng divorce, kinikilalang nagkaroon ng “marriage” ang isang dating magkasintahan, ngunit binibigyan sila ng paraan para tapusin ang naturang kasal.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Samantala, sa isa namang Facebook post ay naghayag din si Albay Rep. Edcel Lagman ng ilang mga pagkakaiba ng annulment at ng panukalang absolute divorce na kaniyang isinisulong.

Sa ilalim ng annulment, ayon kay Lagman, ang isang “voidable marriage” ay maaaring maging “valid marriage” pa rin kapag hindi ito pinawalang-bisa sa loob ng limang taon mula sa pagkakadiskubre ng dahilan o rason para sa annulment.

Pagdating naman daw sa divorce, ang isang “valid marriage” ay maaaring ma-dissipate bunsod ng mga dahilan tulad ng marital conflict, karahasan, pang-aabuso, pagtataksil, pag-abandona, at iba pang nagiging dahilan kung bakit ang relasyon ng mag-asawa ay hindi na kayang ayusin.

Bukod dito, sa ilalim daw ng annulment, ang dahilan sa pagpapawalang-bisa ng kasal ay dapat nangyari bago o sa kasagsagan ng selebrasyon ng kasal ng dating magkasintahan.

Sa diborsyo naman, ang dahilan sa pagpapawalang-bisa ng kasal ay maaaring tanggapin kahit nangyari ito bago, habang, at kahit pagkatapos ng seremonya ng kasal kung saan nagsasama na ang dating magkasintahan.

“The valid causes for divorce invariably happen subsequent to the marriage and during the cohabitation of the spouses,” ani Lagman.

Bagama’t parehong may layuning ipawalang-bisa ang kasal, mas madali at mabilis daw ang proseso ng divorce kung ikukumpara sa annulment na mahirap umanong ma-avail dahil gugugol dito ng malaking halaga ng salapi dulot din ng haba ng proseso nito.

Sa kasalukuyan ay dalawang bansa na lamang sa buong mundo ang walang divorce: Ang Vatican at ang Pilipinas.

Samantala, tutol dito ang ilang mga indibidwal dahil laban daw ito sa paniniwala ng Simbahang Katolika na dapat laging gawing sagrado ang kasal.

Kung ikaw ang tatanungin, dapat na bang magkaroon ng divorce sa Pilipinas?