Inihayag ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na magbabakasyon muna siya mula umano sa “backstabbing” sa politika.
Sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules, Mayo 29, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Zubiri na magva-vacation mode muna siya sa susunod na tatlong linggo kasama ang kaniyang pamilya.
"Magbabakasyon muna ako kasama ng aking pamilya. I think they deserve my undivided attention at this point in time, at no cost to the government po. It's all personal ‘yung aking pagbiyahe kasama ng aking pamilya," ani Zubiri.
"Kaunting me time, kaunting emotional and mental break from all the politics and the nasty backstabbing na nangyayari dito sa pulitika natin sa Pilipinas," saad pa niya.
Matatandaang noong Mayo 20, 2024 nang opisyal na nagbitiw si Zubiri bilang Senate president matapos daw lumagda ang 15 senador sa petisyon para patalsikin siya.
MAKI-BALITA: ALAMIN: 15 senador na bumotong patalsikin si Zubiri bilang Senate president
Matapos nito, sinabi ni Zubiri na noong una ay “heartbroken” siya sa nangyari, hanggang sa naging “dumbfounded” daw siya nang malamang maging si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay lumagda para patalsikin siya.
MAKI-BALITA: Zubiri, nag-react sa pagboto ni Bato na mapatalsik siya: ‘Hindi ko ma-gets’
Ito ay dahil isa umano sa mga nakikita ng dating Senate president na dahilan kaya siya pinatalsik ay ang pagpayag niya kay Dela Rosa na imbestigahan ang usapin hinggil sa umano’y PDEA leaks na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilegal na droga.
MAKI-BALITA: ‘Marcos group’, galit daw kay Zubiri nang payagan si Dela Rosa mag-hearing
Isiniwalat naman kamakailan ni Dela Rosa na na-”trigger” umano muli ang planong patalsikin si Zubiri nang hindi nito payagan si Senador Bong Revilla noong una na dumalo sa plenary sessions online kahit na injured ang isang paa nito.
MAKI-BALITA: Paa ni Bong Revilla, dahilan para ‘masipa’ si Migz Zubiri bilang Senate president?
Samantala, sinabi rin kamakailan ni Pangulong Marcos na alam niya ang planong palitan ang liderato ng Senado.
"When did I know? The minute…actually it was Senator Chiz the minute he started thinking about it, he already brought it up and he said I think I am going to try to be the SP. 'What’s my situation and what do you think'," ani Marcos.
Si Senador Escudero ang iniluklok bilang bagong pangulo ng Senado matapos bumaba sa pwesto ni Zubiri.
MAKI-BALITA: Escudero, nanumpa na bilang bagong Senate president