Magandang balita dahil nakatakda nang itayo ang isang libreng cancer center sa lungsod ng Maynila.

Sina Manila Mayor Honey Lacuna at Manila 5th District Congressman Irwin Tieng ang siyang mangunguna sa isasagawang groundbreaking ceremony para sa itatayong gusali ng Manila Cancer Center, sa buwan ng Hunyo.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Sa kanyang pagdalo sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA), sinabi ni Tieng na bukod sa alkalde, dadalo din sa aktibidad si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang mga senior officials ng Kongreso at iba pang mambabatas ng Maynila.

Ang MCC ay inaasahang magbibigay ng libreng serbisyo na kinakailangan ng mga cancer patients.

Nabatid na ang 2,000 square meters, na inilaan ng alkalde para sa 5-palapag na MCC, ay itatayo sa compound ng Ospital ng Maynila.

Ito ay ipapangalan sa yumaong si Gov. Benjamin 'Kokoy' Romualdez, ama ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Tieng, dahil ang mga pondo para sa MCC ay hindi unlimited, una munang ilalagay ang CT scan at isang linear accelerator upang mabigyan ang mga pasyente ng non-invasive radiation therapy.

"Libre po siya sa lahat ng Manilenyo," ani Tieng.

Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Lacuna kay Tieng sa proyektong MCC para sa mga hindi kayang magbayad na pasyente at pagsuporta sa kaniyang administrasyon na mapalawak ang libreng serbisyong pangkalusugan.