Nagdulot ng inspirasyon, hindi lamang sa kaniyang mga kamag-aral at ka-batch kundi maging sa social media, ang isang 46-anyos na inang nagtapos ng Senior High School sa isang paaralan sa Isabela.

Sa tribute Facebook post ng gurong si Mark Jhon Prestoza, isang role model daw para sa lahat si Catherine Cornelio ng Quirino National High School, matapos niyang ipakita sa lahat na hindi kailanman humihinto ang pag-abot sa pangarap ng isang tao, anuman ang kaniyang edad o estado na sa buhay.

Natapos ni Cornelio ang kursong akademiko sa Accountancy, Business, and Management (ABM) sa kabila ng pagiging ina sa Cullabo Del Sur, Burgos, Isabela. Ayon kay Cornelio, hindi hadlang ang edad ng isang tao sa pagbuo ng kaniyang mga pangarap para sa sarili at pamilya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

"Sa kaniyang determinasyon, napatunayan niyang posible ang pakikipagsabayan sa mga nakababatang estudyante. Ang kaniyang kuwento ay nagbibigay inspirasyon sa komunidad, lalo na sa mga kababaihang gustong ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral," saad naman ni Prestoza sa eksklusibong panayam ng Balita.

Dagdag pa niya, "Ang tagumpay ni Catherine ay tagumpay ng kaniyang mga guro sa Quirino National High School. Nagpapasalamat siya sa kanilang paggabay at suporta."

"Si Catherine ay isang huwaran at inspirasyon, na nagpapaalala sa atin na ang mga pangarap ay makakamit nang may determinasyon at pagsisikap."

Natanong din ng Balita sa guro kung ano ang susunod na plano ni Cornelio ngayong nakatapos na siya ng SHS.

"Hindi pa niya alam ang plano niya, kapag matapos niya ang SHS ay itutuloy niya ang caregiving para makapag-abroad," aniya.

Pagbati, Catherine!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!