Umugong ang pangalan ng batikang artistang si Eva Darren matapos ang gabi ng parangal para sa 72nd Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards noong Linggo, Mayo 26.
Sa isang Facebook post ng anak niyang si Fernando de la Pena noong Lunes, Mayo 27, ibinahagi nito ang ginawang pambabastos umano ng mga opisyal ng naturang award-giving body kay Eva.
Bigla raw kasing nagkaroon ng pagbabago sa daloy ng programa sa mismong gabi ng parangal. Sa halip na si Eva ang paakyatin sa stage, isang young singer umano ang nakasama ni Tirso Cruz III para magsilbing awards presenter.
MAKI-BALITA: Batikang aktres na si Eva Darren, ‘binastos’ sa FAMAS?
Gayunman, sa kaparehong araw ay naglabas ng apology statement ang FAMAS at ipinaliwanag ang kanilang panig tungkol sa nangyari.
MAKI-BALITA: FAMAS, nag-sorry kay Eva Darren
Pero sino nga ba si Eva bago pa man siya mabalot ng kontrobersiya?
Unang ipinamalas ni Eva ang natatangi niyang talento sa pag-arte nang gumanap siya bilang “Linda” sa pelikulang “Hiwaga sa Bahay na Bato” noong 1963. Isa umano ito sa mga itinuturing na unang teleseryeng umere sa Pilipinas.
Dahil sa hindi maitatangging husay sa pag-arte, nasungkit ni Eva ang parangal na Best Supporting Actress sa FAMAS at Metro Manila Film Festival dahil sa pagganap niya sa pelikulang “Ang Pulubi” noong 1969 na idinirek ni Luis Nepomuceno.
Pero bago pa man ito ay nakakuha na ng nominasyon si Eva sa FAMAS bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang “Ang Langit Sa Lupa” noong 1967 at “Igorota” noong 1968. Samantala, noong 1998, nominado rin siya sa parehong titulo ng parangal sa Gawad Urian.
Ilan pa sa mga teleserye at pelikulang ginanapan niya sa pagi-pagitan ng panahon ay ang mga sumusunod: “Brides of Blood (1968),” Mila (2000), “Pangako Sa ‘yo” (2000), “The Rich Man’s Daughter” (2015), “Wish I May” (2016), at “Maalala Mo Kaya: Picture Frame” (2019).