Sinagot ng sikat na social media personality at paresan owner na si "Diwata" ang mga akusasyon ng mga netizen na namimili siya ng mga taong pakikiharapan at pagbibigyan niya sa pagpapa-picture taking at nang-iisnab siya kapag hindi "big time" ang vlogger na dumadalaw sa kaniya.
Sa isang sit down interview sa ABS-CBN News, nilinaw ni Diwata ang mga kumakalat na clips na kesyo nagtataray siya sa fans at vloggers na nakikiusap na magpa-picture o selfie sa kaniya.
“Parang normal lang din," pahayag ni Diwata patungkol sa kaniyang kasikatan ngayon.
Saad niya, kung kaya naman ng oras niya, pumapayag siya sa kolaborasyon o pagpapakuha ng larawan.
"Kung may invite, kung kaya ng oras ko, go. Pero kung hindi kaya ng oras ko, tumatanggi ako kasi hindi ko puwedeng pabayaan ‘yong business ko. Kaya lang talaga minsan, marami talagang makukulit. Minsan nga kahit natutulog na ako, may kakatok ng 2:00 AM para magpa-picture lang. May gano'ng eksena. Pero kaya naman pagpasensyahan," aniya.
Nalulungkot umano si Diwata sa mga paratang na ibinabato sa kaniya ng ilang vloggers na hindi niya napagbibigyan.
“Ang nakakalungkot nga lang, ‘yung mga hindi lang napapagbigyan ng picture, kung anu-ano na ang sinasabi at ina-upload. Wala naman akong pakialam. Wala naman akong taong inaagrabyado. Wala naman akong taong tinatapakan. Kung hindi mo kayang intindihin 'yong paliwanag ko, nasa sa kanila na ‘yon. Kasi nga busy ako. May ginagawa ako. Pero kung may free time ako, lahat welcome kahit maliit na vlogger pa ‘yan, may dala ka man o wala,” aniya pa.
Nilinaw rin ni Diwata na may appointment sa kaniya ang vloggers at celebrities na nakikipag-collab sa kaniya, hindi kagaya ng iba na basta at biglaan na lamang dumarating sa kaniyang paresan.
Matatandaang binanatan siya ng dating singer-actress na si "Mystica" dahil sa napansin daw niyang namimili si Diwata ng eestimahin niya.
MAKI-BALITA: Mystica inokray paresan ni Diwata: dugyot na, nilalangaw pa
Rumesbak naman si Diwata sa mga naging patutsada ni Mystica.
MAKI-BALITA: Diwata rumesbak kay Mystica, sumasakay raw sa kaniya: ‘Laos na ‘yan eh!’