Hayagang sinabi ng direktor na si Darryl Yap na mas naniniwala pa siya kay "Santa Claus" kaysa sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences o FAMAS.
Dahil sa kontrobersiyang bumabalot ngayon sa FAMAS na nag-ugat sa pag-isnab sa beteranang aktres na si Eva Darren bilang inimbitahang presenter, muling ni-reshare ni Yap ang screenshots ng pag-uusap nila ng isang kinatawan ng FAMAS para imbitahan siyang lumahok dito, lalo na sa kasagsagan ng kaniyang pelikulang "Maid in Malacañang" na pumapaksa sa naging buhay ng pamilya Marcos bago ang pagbaba sa puwesto ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Sumunod naman dito ang sequel na "Martyr or Murderer."
Aniya sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Mayo 27, "Pasensya na sa mga mahal ko at nirerespeto sa industriya— pero mas naniniwala pa ako kay Santa Claus kesa sa FAMA$."
Sa isa pang Facebook post, muli niyang ni-reshare ang post niya tungkol sa imbitasyon ng FAMAS noong Abril 2023.
"Hindi ko kayang puntahan ang hindi ko pinaniniwalaan," caption niya.
Mababasa naman sa kaniyang post noon, "Opisyal na isinapublikong tugon ng inyong lingkod
sa paanyaya ng FAMAS."
"Minabuti ko pong ipaskil ito upang sabayang ipabatid sa aking mga tagasubaybay, kaibigan sa industriya at mga katrabahong artista—"
"Ako po mismo ang umaako ng dahilan kung bakit di nakakasama sa ilang pagkilala ang ating mga munting pelikula.
hindi po ito “humblebrag” o pagmamalaki at pagyayabang; hindi rin po nito sinusukat ang kredibilidad ng kahit na sino, Hindi po ito repleksyon o tinig ng kahit na sino mula sa Viva films, ito po ay personal kong pahayag; ito po ay simpleng paninindigan lamang na sasagot sa mga tanong at kuro-kuro ng aking mga tagapagtangkilik."
"Salamat po."
MAKI-BALITA: Darryl Yap tumanggi sa alok ng FAMAS na mapasama pelikula sa awards night