Marami ang napapataas ang kilay sa rebelasyong may bayad pala per head o per person ang pa-dinner ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards Night, kahit ikaw ay presenter, awardee, o invited guest.
Naisiwalat ang tungkol dito sa Facebook post ng anak ng beteranang aktres na si Eva Darren, na si Fernando Dela Peña, matapos nga ang naging sentimyento niya sa FAMAS na hindi pinapanhik ang ina sa entablado para mag-present ng award kasama ang beteranong aktor at dating chairman ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na si Tirso Cruz III.
Nabanggit ni Dela Peña na talagang nag-effort sa pag-rehearse ng kaniyang script si Eva, bumili ng outfit, at nagsama ng mga apo kahit na may bayad na ₱5,000 kada tao ang dinner.
"Mom was excited, bought the best dress and pair of heels she could afford and topped that with a nice package of hair and make up for the gala. During the event, she brought along three of her very proud grandkids. With a price tag of P5,000 ($90) per plate for four people, needless to say, it was not a cheap evening," aniya sa kaniyang FB post.
MAKI-BALITA: Batikang aktres na si Eva Darren, ‘binastos’ sa FAMAS?
Agad namang naglabas ng apology statement ang FAMAS na tinanggap naman ng pamilya ng beteranang aktres. Nag-iwan naman ng dalawang matinding rekomendasyon ang anak ni Eva sa pamunuan: na mag-stick daw sila sa script at bigyan ng eye glasses ang lahat ng may kinalaman sa programa para mas malinaw nga naman daw ang mga mata nila sa paghahanap ng mga personalidad na may partisipasyon sa daloy ng programa.
MAKI-BALITA: Anak ni Eva Darren, may tugon sa dispensa ng FAMAS
Suportado rin ng grupong "Aktor" si Eva at kinondena ang ginawa ng FAMAS sa kaniya.
MAKI-BALITA: League of Filipino actors, suportado si Eva Darren
Si Ogie Diaz naman, tila nagpahaging sa nabalitaan niyang nagka-award ang ilan sa mga personalidad na may malaking ambag na sponsorship sa nabanggit na award-giving body.
MAKI-BALITA: Matapos isnabin si Eva Darren: Ogie Diaz sa FAMAS, ‘Mga palaka kayo!’
MAKI-BALITA: Sponsors ng award-giving body, pinasaringan ni Ogie Diaz: ‘Kaya naman pala wagi!’
Maging ang direktor-scriptwriter na si Ronaldo Carballo ay umalma rin sa umano'y "fund-raising" na FAMAS, lalo na nga sa mahal na bayad sa dinner nito per person. Bukod dito, matagal na rin daw walang kredibilidad at integridad ang FAMAS dahil nga raw sa umano'y napaka-obvious na "pera-pera" nitong gawain.
Narito ang kaniyang buong Facebook post:
Ang naganap na pambabastos ng FAMAS sa beteranang aktres na si Ms. EVA DARREN, ay isang malinaw na "wake-up call" na nagpapatunay na matagal na matagal nang buluk na bulok ang sistema, ng walang dignidad at walang kredebilidad, ang award giving body na ito.
Dapat lang din magsilbing pagmumulat sa mga matitino at lehitimong mahuhusay na aktor at manggagawa ng Pelikulang Pilipino:
Na matagal na panahon nang binababoy at winalang-katuturan ng FAMAS ang pamimigay ng award, bilang kataas-taasang kumikilala sa bawat mahuhusay na artista at iba pang manggagawa ng Pelikulang Pilipino ng kani-kanilang henerasyon.
Kung ibinibigay man ang karangalan ng FAMAS Award sa iilang lehitimong deserving manalo't makatanggap, mas marami ang hindi deserving na nakatatanggap ng award.
Nagbabayad sila para magkaroon lang ng huwad na karangalan.
Kitang-kita yun sa line-up ng mga nagwawagi't tumatanggap ng karangalan.
Kung sino ang deserving at hindi, kung napanood nyo rin ang mga pelikulang kalahok at ang performances ng mga artista, na kunwari'y inuri nila.
Ang palakad ng FAMAS na mas lumala pa ngayon ang katiwalian o kurapsyon ay talagang hayagan nang ibinibenta ang lahat para kunwaring mabahaginan ng karangalan ang isang nais nila parangalan.
"Kung may pera ka at kaya mong magbayad, may FAMAS Award ka", ika nga ng mga nakaiunawa at nakaaalam ng katotohanan sa matagal ng kalakaran ng FAMAS.
Mabuti nga, dahil sa pambabastos ng FAMAS kay Ms. Eva Darren ay naisiwalat nyang para maging presentor sya'y inubliga syang bentahan ng 5K per plate Dinner that cost her 20K kasama ang tatlo nyang proud apo.
Ngunit naunsyami nga ang pagiging presentor nya, sa kabila ng lahat ng kabastusan at kairesponsablehan ng FAMAS.
Mabuti nga kung ang lahat ay katulad ni Ms. Eva Darren na isang beteranang aktres ang binentahan nila upang maging presentor--pasable. Dahil isang beteranang aktres at nagwagi din ng FAMAS Best Supporting actress nung 1969---mga panahong matinu-tino pa at di pa garapalang pera-pera na lang ang FAMAS.
Paano kung sinu-sino na lang ang Presentors?
Tulad nga nung nangyari nung Linggo sa Manila Hotel awards night.
Kung sinu-sinong mga hindi kilalang presentors ang mga naga-akyatan sa stage na hindi naman mga taga-Pelikula.
Hindi ba't pambababoy yan sa Industriya ng Pelikula?
Pwede naman silang mag-negosyo ng award-award na yan, na nagbabayad at bumibili ng table for dinner ang Awardee o Presentor, bukod sa nagbabayad talaga sila upang maging parte lang sila ng pagtitipon, kahit wala silang pangalan.
May pera lang sila talaga.
Pero wag naman sanang dungisan ng FAMAS sa ganyang uri ng kalakaran ang Industriya.
Isang malaking insulto yan sa mga lehitimo at tunay na mahuhusay na alagad ng Sining ng Pelikula.
Na nagpi-present ang hindi taga-Pelikula at nananalo ng acting award ang isang artista ni hindi marunong umarte at nasa isang napakapanget na pelikula.
Lalo pang dinagdagan ng FAMAS ang pambabastos sa kanilang inilathalang hindi sinserong apology.
Pinalalabas pa nilang unprofessional at nagbulakbol pa si Ms. Eva Darren & company sa Manila Hotel during the awards night, sa pagsasabing hindi mahagilap ang beteranang aktres nung kailangan na syang mag-present.
Gayung nasa harap lang ng stage ang table nya.
Paanong hindi mahagilap? Excited ngang nagbihis; nagbayad pa ng 20k na dinner nila ang beteranang aktres; at nagmimorya pa ng ibinigay nilang script makapag-present lang.
Hindi lang mga iresponsable ang FAMAS, mga sinungaling pa sila. Upang mailigtas lamang ang kani- kanilang mga sariling pagmumukha sa mga sarili kanilang katiwalian at kairesponsablehan.
Dapat nang matigil ang ganitong pambababoy ng isang tanyag na award giving body sa Industriya ng Pelikula.
Dapat nang tumindig ang mga matitinong artista at manggagawa ng Pelikulang Pilipino upang matigil na at mawala ang masamang practice ng FAMAS sa pagkilala kunwari sa husay sa pagbibigay ng award.
The mere fact na ibinibenta ang Dinner sa lahat ng Presentors at Awardees ang table na 5, 000 pesos per plate, obvious na ginagawa nila ito para may maibulsa sila.
Ang matinong award giving body ay ibinibigay ang karangalan ng buong puso sa taong nararapat parangalan, nang walang bayad ni kusing. Pag nsgbayad ka, binili mo na ang award at ang presensya mo na makaakyat ng entablado ng FAMAS.
Kung wala silang pondo at sinsero ang FAMAS mamigay ng award, idaos ang awards night, ng simple sa isang teatro o venue na walang dinner. Bakit kailangan mong singilin ang awardee o presentor sa kakainin nya?
Kase nga yung perang mahuhuthut nila sa lahat ang priority nila at ginagamit nila ang kunwa-kunwariang pamimigay ng award.
Ang FAMAS ay isang uri ng award giving body na hindi naman talaga umuuri sa tunay na husay ng mga artiata ng manggagawa ng Pelikulang Pilipino, kundi isa lang syang malaking fund raising.
Kung lehitimo kang mahusay na artista, matutuwa ka bang magka--award dahil lang nagbayad ka? Ganun ba kaatat ang mga artista na magbabayad, magkaroon lang ng huwad na karangalan para masabi nyang mahusay sya?
Kung hindi ka ganyang klaseng artista ng Pelikulang Pilipino, tumindig ka para matigil ang ganitong sistema ng FAMAS, na talagang matagal nang bumababoy sa Industriya ng Pelikula.
Kung aktor-aktoran ka naman, na uhaw sa huwad sa karangalan, na magbabayad ka para kunwaring makita ng mga tanga na mahusay kang aktor, may diprensya ka sa utak at kasama ka sa mga patuloy na kumakandili sa katiwaliang tunay na pumapatay sa katinuan ng Industriya ng Pelikula. Makasarili ka.
Mahuhusay at lehitimong artista at mga manggagawa ng Pelikulang Pilipino, nasa inyong mga kamay ang pag-asa ng marami, upang maibalik ang sigla ng Pelikulang Pilipino nang may dignidad at respeto ng tao. Hindi dahil lang sa may namimigay ng huwad na karangalang ipinagbibili upang kumita ang ilan.
Either mawala ang FAMAS sa Industriyang ito na pinamumunuan ngayon ng mas malalalang tiwaling tao, upang matigil ang hindi tama at hindi maayos na pamimigay ng award.
O, magpatuloy na maging masigla ang bigayan ng awards sa tunay na deserving na manggagawa ng Pelikula, at hindi sa kung sinu-sino lang na may kakayahang magbayad.
Ang anumang award para sa Pelikulang Pilipino, sa mga artista nito at lahat ng manggagawang Pilipino na bumuo nito, ay dapat magmula sa isang award giving body na may kredebilidad at hindi mula sa isang award giving body, na sa mahabang panahon ay kwestyonable ang integridad.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng FAMAS tungkol dito. Bukas ang Balita para sa kanilang panig.