Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules hinggil sa ilang indibidwal na nambibiktima umano ng mga kandidato na hinihingian nila ng milyun-milyong halaga kapalit ng ‘sure win’ o tiyak na panalo sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay walang katotohanan at scam lamang.
Ibinunyag ni Garcia na nakatanggap sila ng mga ulat na may mga taong nag-iikot sa buong bansa at nanloloko ng mga kandidato o prospective candidates.
Hinihikayat umano ng mga naturang indibidwal ang kanilang prospective victims na magbayad ng mula ₱50 milyon hanggang ₱100 milyon, kapalit ng tiyak na pagkapanalo sa halalan.
Pinapaniwala umano ng mga ito ang kanilang target na biktimahin na may kakilala sila sa loob ng Comelec na kayang-kaya silang ipanalo sa eleksiyon.
Hinikayat naman ng poll chief ang mga kandidato na huwag maniwala sa mga naturang indibidwal at sa halip ay kaagad na ipaaresto ang mga ito.
“Sa kasalukuyan marami po tayong nababalitaan at tumatawag sa atin na nagsisi-ikot pa rin sa buong bansa na nag o-offer at nanloloko sa ating mga kababayan, sa mga kandidato, o prospective na kandidato,” ayon kay Garcia, sa isang ambush interview.
“Sana po ipaaresto niyo ang lahat ng yan. Sana po wag natin papayag na lokohin tayo ng mga yan o linlangin. Hindi po totoo yan,” aniya pa.
Binigyang-diin pa ni Garcia na walang paraan upang madaya ang resulta ng halalan dahil ang mga poll machines na gagamitin sa eleksiyon ay mayroong mga pamamaraan upang ma-countercheck kung magkakaroon ng ‘pagbabago’ ng resulta.
Dagdag pa ni Garcia, “Talagang sinigurado natin ang absolute transparency, yung proseso.”