Usap-usapan na ng mga netizen ang tungkol sa pag-apruba ng House of Representatives sa third at final reading ng inihahaing panukalang-batas na maisabatas na ang diborsyo sa Pilipinas.
Sa ulat ng Manila Bulletin, nakakuha ng 126 affirmative votes mula sa mga mambabatas sa naganap na plenary session noong Miyerkules ng hapon, Mayo 22, ang House Bill (HB) No.9349 na may titulong "An Act reinstituting absolute divorce as an alternative mode for the dissolution of marriage." Si Albay 1st district Rep. Edcel Lagman ang may akda at tagapagtaguyod ng panukalang-batas na ito.
109 naman sa mga solon ang hindi pabor dito at 20 naman ang abstain. Kahit na malaki ang bilang ng mga tutol, hindi pa rin ito sapat sa lamang ng mga bumotong sang-ayon dito. Inaasahang aakyat na ito sa Senado.
Kaniya-kaniya namang reaksiyon, opinyon, at saloobin ang mga netizen kaugnay nito. Marami ang hindi pabor, subalit marami rin ang pumapanig dito.
Saad ng mga hindi pabor, baka maabuso lamang daw ng mga tao ang pagpapakasal at kapag nagkasawaan na agad, puwede na itong humantong sa hiwalayan. Pangunahing damay at kawawa raw dito ang mga anak. Isa pa, hindi na raw seseryosohin ng mga tao ang kasagraduhan ng kasal. Nakasaad sa binibitiwang panata sa pagpapakasal ang "pagsasama sa hirap at ginhawa" kaya kung may mga bagay na hindi raw napagkakasunduan ang mag-asawa, marapat lamang na ayusin ito o pag-usapan.
Ngunit sabi naman ng mga pabor, ang diborsyo ay opsyon ng marami lalo na ang mag-asawang nakakulong sa "toxic at abusive relationship." Pagdating naman sa usapin ng pagkasira ng pamilya, hindi raw nakasisigurong nakasisira ng pamilya ang diborsyo dahil mas nawawasak daw ang pamilya kung sama-sama nga subalit halos araw-araw namang nagbabangayan at nagkakapisikalan pa ang mag-asawa, na hindi maiiwasang masaksihan ng mga anak. Isa pa, napipigilan daw nito ang mag-asawang makahanap ng bagong pag-ibig sa ibang taong maaaring makapagbigay sa kaniya nito, na hindi naibigay sa kaniya ng asawa.