Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na namahagi ang pamahalaan ng ₱1.2-milyong humanitarian assistance para sa mga biktima ng bagyong Aghon sa bansa.

Sinabi ito ni Marcos sa isang X post nitong Lunes, Mayo 27.

Ayon pa sa pangulo, inihanda na rin daw ng administrasyon ang mahigit ₱3 bilyong halaga ng pondo para ipantulong sa mga nabiktima ng bagyo.

“Nagbahagi tayo ng mahigit ₱1.2 milyong humanitarian assistance, at inihanda natin ang mahigit ₱3 bilyong halaga ng standby funds at prepositioned goods at stockpiles, upang masiguro ang mas malawak at mabilis na tulong para sa ating mga kababayang apektado ng bagyong #AghonPH,” ani Marcos.

National

Aghon, patuloy na kumikilos sa katubigang sakop ng Aurora

“Asahan nating patuloy ang ating mga ahensya sa pagsuporta sa bawat komunidad at pagtiyak sa maayos na kalagayan ng ating mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Base sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 2,000 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Aghon.

Inihayag naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng umaga na patuloy na kumikilos ang typhoon Aghon pahilagang-silangan sa katubigang sakop ng Casiguran, Aurora.

Kaugnay nito, nakataas pa rin ang Signal No. 2 at 1 sa ilang mga lugar sa Luzon.