Kamakailan lamang ay naranasan sa ilang mga bahagi ng bansa ang pananalasa ng bagyong Aghon.
Ito ang unang bagyo sa Pilipinas ngayong 2024, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kung mapapansin ang pangalan nito, maging ang iba pang mga pangalang inilabas ng PAGASA na itatawag sa mga magiging bagyo sa bansa ngayong taon tulad ng Butchoy, Carina, Dindo, Enteng, at iba pa, mahihinuhang ang mga pangalang ito ay naririnig din natin bilang pangalan ng tao.
Ngunit, bakit nga ba nakapangalan sa tao ang mga pangalan ng mga bagyo?
Ayon sa mga ulat, ibinahagi ng World Meteorological Organization (WMO) kamakailan na mas mabuti raw na ipangalan sa tao ang mga bagyo para mas madali itong maunawaan at matandaan ng bawat indibidwal, at nang sa gayon ay mas mapapadali rin ang kanilang disaster risk awareness at pag-iingat sa pananalasa ng mga naturang sakuna.
Kapag naman nakapasok na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang isang bagyo, papangalanan din sila ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng “Filipino-sounding names” para mas madali itong matandaan ng publiko.
Kaugnay nito, taong 1998 nang isulong ng PAGASA ang “Name A Bagyo” contest, kung saan pinagpasa nila ang mga Pilipino ng mga pangalang gusto nilang gamitin at itawag sa mga bagyong papasok sa PAR.
Pumili naman ang komite ng 140 mga pangalan mula sa mga ipinasa ng publiko upang gamitin sa pagpapangalan ng mga bagyo sa bansa. May pagsasaalang-alang o konsiderasyon sa pagpapangalan ng mga bagyo, lalo na raw kapag maaari itong maging “kontrobersiyal” o “politikal.”
Mula sa 140 mga napiling pangalan ng bagyo, lumikha ang PAGASA ng apat na set ng mga pangalan na salit-salitang ginagamit kada taon bilang pangalan ng bagyo. Taong 2001 naman nang simulang gamitin ang naturang mga pangalan. Mula noon, rotation daw ang nangyayari mula sa nasabing apat na set.
Halimbawa, ang set 1 ang gagamitin sa taong 2021, set 2 sa 2022, set 3 sa 2023, set 4 sa 2024, babalik sa set 1 sa 2025, at iba pa. Kaya naman, ang set ng mga pangalan para sa taong ito, 2024, ay magagamit din sa taong 2028, 2032, 2036, at iba pa.
Bawat set ay mayroong 25 pangalan ng mga bagyo mula sa letrang A hanggang Z ng English alphabet (hindi kasama ang letrang X). May inihanda ring sampung auxiliary names na gagamitin kapag lumampas sa 25 ang bilang ng mga bagyong papasok o mabubuo sa PAR sa naturang taon.
Samantala, kapag daw ang isang pangalan ng bagyo ay nagdulot ng matinding pinsala, kung saan 300 o higit pa ang namatay at isang bilyon at higit pa ang halaga ang nasira dahil dito, inaalis na ng PAGASA sa listahan ang pangalan nito upang hindi na ulitin sa mga susunod na taon.
Isang halimbawa sa naturang pangalan ng bagyo na inalis ng ahensya ay ang bagyong “Yolanda” noong 2013 na nagdulot ng pagkasawi ng mahigit 6,300 at pagkasira ng humigit-kumulang ₱132.4 bilyong estruktura at mga ari-arian. Dahil dito, inalis ng ahensya ang pangalan ng bagyong “Yolanda” at pinalitan ng “Yoyoy.”
Ayon sa PAGASA, ang naturang pag-aalis ng pangalan ng mga bagyong nagdulot ng malaking pinsala ay upang hindi na rin maalala at magdulot ng trauma sa mga tao ang sigalot na idinulot ng naturang bagyo.