Naging masaya ang 70-anyos na lola na si Rhonda Felizmeña sa naging journey niya sa “Mutya ng Taguig 2024,” kung saan nakamit niya ang award na “Miss Congeniality.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Felizmeña na na-enjoy niya ang karanasan sa pagpa-pageant at nagpapasalamat daw siya sa nakuhang award.
“Happy and nag-enjoy naman ako. Naipakita ko na pwede pa akong makipagsabayan,” ani Felizmeña.
“Thankful ako dahil nakakuha pa rin ako ng award, sobra-sobra na ‘yun para sa akin,” dagdag pa niya.
Nagpapasalamat din ang 70-anyos na beauty queen sa mga sumuporta sa kaniyang naging laban.
“Nakita ko ang malaking suporta ng mga tao, kilala ko man o hindi, ipinadama at pinalakas nila ang loob ko.”
Pagkatapos ng pageant, plano raw ni Felizmeña na ipagpatuloy ang kaniyang adbokasiya at gampanin sa kanilang barangay.
“I want to continue my advocacy in urban gardening and to continue my duty as Lupon Tagapamayapa of my beloved Barangay Pitogo,” ani Felizmeña.
“Winning is not important. We all wear different crowns in life and it's up to us on how we are going to make use of that crown in creating an impact and in marking a legacy to this world. I wear my Mutya Granny crown and my ultimate goal is to use that crown in making my family happy and proud,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay naitampok sa Balita ang kuwento ni Felizmeña kung saan sumali raw siya sa “Mutya ng Taguig 2024” para magsilbing inspirasyon sa bawat isa na hindi pa huli ang lahat para tuparin ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Siya raw ay mayroong siyang dalawang anak at siyam na apo.