Isa umano sa mga nag-udyok ng pagpapatalsik kay Senador Migz Zubiri bilang pangulo ng Senado ay ang namamagang paa ni Senador Bong Revilla.
Sa isang panayam ng Unang Balita, isiniwalat ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na na-”trigger” umano muli ang planong patalsikin si Zubiri nang hindi nito payagan si Revilla noong una na dumalo sa plenary sessions online kahit na injured ang isang paa nito.
Matatandaang sumailalim si Revilla sa operasyon kamakailan para ayusin ang kaniyang napunit na achilles tendon.
MAKI-BALITA: Matapos ma-injury: Bong Revilla, road to recovery na!
Kaugnay nito, nang harapan daw na dumalo isang beses si Revilla sa sesyon, lumala umano ang paa nito at namaga.
Kaya naman, ayon kay Dela Rosa, nakiusap sina Senador Chiz Escudero at Senador Francis Tolentino kay Zubiri na payagan nang dumalo si Revilla sa sesyon online.
“Nakiusap sina Senator Tolentino at Senator Chiz na kung pwede pagbigyan si Senator Bong Revilla, but parang dinecline. Ruling ni Senator Migz is ayaw niya. So doon na-trigger ‘yung mga artista. Sumama ang loob nina Robin Padilla, nila ni Jinggoy (Estrada). Doon na nag-start,” ani Dela Rosa.
Kalaunan ay pinayagan din naman ni Zubiri si Revilla na dumalo sa sesyon habang nagre-recover sa operasyon.
Sa isa namang mensahe sa mga mamamahayag na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Revilla na maaaring isa nga umano ang kaniyang sitwasyon sa nag-udyok sa pagpapatalsik kay Zubiri.
"Move forward na lang tayo. Pwedeng isa sa naging trigger, pero bago yan, marami nang problema,” ani Revilla.
Samantala, klinaro naman ni Dela Rosa na wala siyang sama ng loob kay Zubiri at lumagda lamang umano siya sa resolusyong patalsikin ito dahil sa kaniyang mga kapartido.
MAKI-BALITA: Bato kay Zubiri: ‘Sorry, boss, I failed to win the war for you’
Sinabi rin ni Dela Rosa na hindi raw niya isiniwalat ang naturang impormasyon hinggil sa paa ni Revilla para alisin sa kaniya ang “sisi” sa pagpapatalsik kay Zubiri.
Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ni Zubiri na naniniwala umano siyang isa sa mga dahilan kung bakit siya pinababa sa pwesto ay dahil dinipensahan niya si Dela Rosa bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nag-iimbestiga sa umano’y nag-leak na dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilegal na droga.
MAKI-BALITA: Zubiri, nag-react sa pagboto ni Bato na mapatalsik siya: ‘Hindi ko ma-gets’