Isa nang ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanan itong “Aghon,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Mayo 24.

Ang bagyong Aghon ang unang bagyo sa Pilipinas sa 2024.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, iniulat ni Weather Specialist Aldczar Aurelio na huling namataan ang tropical depression Aghon 350 kilometro ang layo sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur 

Taglay nito ang maximum sustained winds na aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 30 kilometers per hour.

Dahil dito, itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

Visayas

  • Eastern Samar,

Mindanao

  • Dinagat Islands
  • Siargao Islands
  • Bucas Grande Islands

Posibleng makararanas ang naturang mga lugar ng maulap na kalangitan na may kasamang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin, ayon kay Aurelio.

Inaasahan naman umanong mag-landfall ang bagyong Aghon sa bahagi ng Eastern Samar, ngunit inaasahan daw itong lalakas dakong hapon o gabi at magiging “tropical storm” na ito.

Samantala, pagsapit ng Sabado, Mayo 25, o Linggo, Mayo 26, ay inaasahang lalakas pa ang bagyo at magiging “severe tropical storm,” at posibleng itaas pa ito sa “typhoon” category sa Martes, Mayo 28, hanggang sa paglabas nito sa PAR.