Nitong Huwebes, Mayo 23, binigyang-pagkilala ni Pope Francis ang himalang iniuugnay sa pamamagitan ng teenager na si Carlo Acutis, dahilan kaya’t nakatakda siyang kilalanin bilang kauna-unahang millennial saint.

Ngunit, sino nga ba si Carlo Acutis at ano ang kuwento ng himalang nagbigay-daan para ituring siya bilang isang santo?

Base sa ulat ng Vatican News at Catholic News Agency, ipinanganak si Acutis noong Mayo 3, 1991, sa London, England.

Sa edad lamang na 7-anyos, matapos ang kaniyang first Communion ay ibinahagi raw niya sa kaniyang ina ang plano niya sa buhay: “To always be united to Jesus.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Mula noon, palagi nang dumadalo si Acutis sa daily Mass ng kanilang simbahan malapit sa kaniyang eskwelahan sa elementarya sa Milan. 

Para kay Acutis, ang Eukaristiya ang kaniyang daan papuntang langit. 

Dahil sa kabanalan at malalim na pananampalatayang kaniyang ipinakita, naging inspirasyon din daw si Acutis ng kaniyang sariling mga magulang para maging malapit muli sa Panginoon. Maging ang kaniyang mga kaklase at kaibigan ay nagpatotoo kung paano sila napalapit sa Diyos dahil sa impluwensiya ni Acutis. 

Bukod naman sa kaniyang espirituwal na gawi, isa rin raw simpleng bata lamang si Acutis na mahilig sa computer, mapagmahal sa mga hayop, at mahilig maglaro ng video games. 

Ipinapakita rin niya ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kabutihan at pagtulong sa mahihirap.

Bukod dito, ginamit din ni Acutis ang kaniyang kahusayan sa teknolohiya para gumawa ng eksibisyon o website kung saan nakatala ang mga himala ng Eukaristiya sa iba’t ibang dako ng mundo. Sa loob ng mahigit dalawa’t kalahating taon, nakatulong daw ni Acutis ang kaniyang pamilya sa paggawa eksibisyon na unang isinapubliko noong 2005, at hanggang ngayon ay naa-access pa rin online sa 18 iba’t ibang lenggwahe, kabilang na ang Filipino.

Pumanaw si Acutis noong Oktubre 12, 2006 sa Monza, Italy, sa edad na 15 dahil daw sa sakit na leukemia.

Isa sa mga naaalala sa kay Acutis ay ang kaniya raw pahayag na: “People who place themselves before the sun get a tan; people who place themselves before the Eucharist become saints.”

Binasbasan daw ni Pope Francis si Acutis, o anunsyo ang kaniyang “beatification”, noong 2020 sa Assisi, kung saan ginawan siya ng mga pilgrimage. Sa panahong ito rin daw binisita ang kaniyang libingan ng libo-libong mga tao.

“Himala sa pamamagitan ni Acutis”

Ayon sa Vatican News, nangyari ang himalang iniuugnay sa pamamagitan ni Acutis sa isang 21-anyos mula sa Costa Rica na si Valeria Valverde.

Noong Hulyo 8, 2022, nanalangin daw ang ina ni Valeria na nagngangalang “Liliana Valverde” sa libingan ni Acutis sa Assisi, Italy. Nag-iwan din siya doon ng liham na naglalarawan ng kaniyang hiling tungkol sa paggaling ng kaniyang ni Valeria.

Anim na araw daw kasi bago ang nasabing pagpunta sa libingan ni Acutis, noong Hulyo 2, 2022, ay naaksidente si Valeria mula sa kaniyang bisikleta sa Florence, kung saan siya nag-aaral.

Dumanas si Valeria ng matinding trauma sa ulo. Kinailangan ng craniotomy surgery at kailangan ding tanggalin ang kaniyang kanang occipital bone upang mabawasan ang presyon sa kaniyang utak. Ayon sa mga doktor, mababa ang tsansang maka-survive si Valeria.

Dahil dito, nagsimula raw manalangin ang sekretarya ni Liliana kay Acutis, at doon na rin naglakbay ang ginang noong Hulyo 8 para pumunta sa kaniyang libingan sa Assisi.

Noong araw ding iyon, ayon sa Vatican, biglang ipinaalam ng ospital kay Liliana na kusang huminga si Valeria. Kinabukasan, nagsimula na siyang gumalaw at bahagyang nakabawi sa pagsasalita. 

Makalipas ang ilang mga araw, noong Hulyo 18, napatunayan ng CAT scan na nawala ang pagdurugo ni Valeria. Inilipat naman siya sa rehabilitation therapy noong Agosto 11, at mabilis siyang naka-recover. 

Kaya naman, noong Setyembre 2, 2022 muli raw naglakbay sina Valeria at Liliana sa Assisi upang pasalamatan si Acutis.

Samantala, nitong Huwebes ay kinilala ni Pope Francis ang nangyaring himala. Dahil dito, iaanunsyo raw ng Vatican kung kailan ang magiging petsa ng canonization ni Acutis, kung saan magiging ganap na siyang isa sa mga santo ng Simbahang Katolika.