‘Dahil sa hirap ng buhay’

Isang Grade 9 student ang nahuli ng pulisya matapos umano siyang makuhanan ng 12 pakete ng hinihinalang shabu, na napilitan umano niyang ibenta para magkaroon ng pangkain.

Sa ulat ng SunStar Cebu, nakumpiska umano sa estudyante ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na nasa walong gramo ang timbang at tinatayang nagkakahalaga ng ₱5,440, sa Sitio Bato, Barangay Ermita, Cebu City, noong Miyerkules, Mayo 22.

Isinalaysay naman daw sa pulisya ng 16-anyos na estudyanteng kinilala sa pangalang “Ran-ran” na napilitan lamang umano siyang magtinda ng ilegal na droga dahil sa hirap ng buhay.

Probinsya

Ibang pasabog yata? Granada, pasalubong ng senglot na mister kay misis

Ginagamit umano ng estudyante ang kinikita niya mula sa mga transaksyon bilang pambili ng pagkain.

Nasa kustodiya naman na umano ng Women and Children’s Protection Desk of Carbon Police Station ang binata.

Samantala, dagdag pa ng ulat, inihayag ni Lieutenant Colonel Janette Rafter, deputy city director for administration ng Cebu City Police Office, na hiniling nila sa mga magulang ng estudyante ang birth certificate nito upang matukoy umano kung totoong menor de edad ito.

Kung sakaling hindi totoong menor de edad ang estudyante, maaari umano siyang maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.