Napanatili ng bagyong Aghon ang lakas nito habang patuloy na kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa baybayin ng silangang bahagi ng Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 5:00 ng hapon nitong Biyernes, Mayo 24.
Sa tala ng PAGASA, huling namataan ang tropical depression Aghon 135 kilometro ang layo sa northeast ng Hinatuan, Surigao del Sur o 185 kilometro ang layo sa east southeast ng Surigao City, Surigao del Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-west northwest sa bilis na 30 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
Luzon:
- Sorsogon
- Albay
- Catanduanes
- Camarines Sur
- Camarines Norte (San Vicente, San Lorenzo Ruiz, Basud, Daet, Talisay, Mercedes)
- Masbate kabilang na ang Ticao at Burias Islands
Visayas:
- Eastern Samar
- Samar
- Northern Samar
- Leyte
- Southern Leyte
- Biliran
- Cebu (San Remigio, Tabogon, City of Bogo, Medellin, Daanbantayan, Borbon) kabilang na ang Camotes Islands
- Bantayan Islands
- Bohol (Pres. Carlos P. Garcia, Bien Unido, Trinidad, Anda, Candijay, Ubay, Mabini, Alicia, San Miguel, Talibon)
Mindanao
- Dinagat Islands
- Surigao del Norte kabilang na ang Siargao at Bucas Grande Islands
- Surigao del Sur
- Agusan del Sur (Sibagat, City of Bayugan, Prosperidad, San Francisco, Rosario, Bunawan, Trento)
- Agusan del Norte
Ayon sa PAGASA, posibleng makaranas ang mga lugar na nasa Signal No. 1 ng maulap na kalangitan na may kasamang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin.
Samantala, base rin sa forecast track ng PAGASA, inaasahang lalapit at mag-landfall ang bagyong Aghon sa kanlurang bahagi ng Eastern Samar o Dinagat Islands bukas ng umaga, Sabado, bilang isang “tropical storm.”
“Afterwards, AGHON will pass north northwestward through the coast of Northern Samar, then may possibly make another landfall over the southeastern portion of Bicol Region (Sorsogon, Albay, or Catanduanes) by tomorrow evening as a tropical storm,” anang weather bureau.
Pagsapit naman ng Linggo, Mayo 26, inaasahang lalakas pa ang bagyo at itataas sa “severe tropical storm” habang magsisimula itong mag-recurve pa-hilaga o pa-north northeast sa katubigan ng silangang Luzon.
Posible namang itaas pa ang bagyo sa “typhoon” category pagsapit ng Lunes, Mayo 27.