“Sigurado, matatalo si VP Sara sa 2028…”

Iginiit ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na matatalo raw si Vice President Sara Duterte sa 2028 national elections dahil ginalit umano ng mga supporter nito ang mga taga-suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, Mayo 22, binigyang-diin ni Gadon na matatalo raw si Duterte sa 2028 national elections dahil sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS), vloggers, at sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumawag kay Marcos kamakailan na “adik” at “bangag.”

MAKI-BALITA: PBBM ‘bangag’, ‘drug addict’, sey ni ex-Pres. Duterte

Ayon kay Gadon, ginalit umano ng mga DDS ang mga Marcos loyalist, mga Ilokano, mga Waray na balwarte raw ni dating First Lady Imelda Marcos, at mga Ilonggo na nasasakupan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

“Si Sara, I am very sure, matatalo sa 2028. Sigurado ‘yan. Itaga n’yo sa bato ‘yan. Kawawa si Sara dahil hindi niya ito kasalanan. Kaibigan ko si Sara, matagal kaming nagsama sa campaign. Kaya lang hindi niya kasalanan eh. Ang nagpahamak sa kaniya, ‘yung tatay niya, ‘yung mga DDS at iyong mga vlogger na DDS,” ani Gadon.

“Siguradong matatalo si Sara sa 2028. Hindi siya iboboto ng mga Marcos loyalist, hindi siya iboboto ng mga Ilokano at ng mga Waray at ng mga Ilonggo, kasi tinawag ninyong bangag at adik ‘yung aming presidente,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Gadon na dapat daw ay kumandidato na lamang muli si Duterte bilang alkalde ng Davao City para magkaroon pa umano siya ng tsansang manalo sa eleksyon.

“Ito na ang katapusan ng pangarap ni Sara para maging presidente. Bumalik na lang siya sa pagka-mayor sa Davao,” saad ni Gadon.

Matatandaang magkasamang kumandidato sina Marcos at Duterte noong 2022 national elections sa ilalim ng ticket ng “UniTeam” kung kailan nanalo silang dalawa sa dalawang pinakamatataas na posisyon.