Dinepensahan ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang naging paglagda ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa resolusyong nagpapatalsik kay Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri sa pwesto bilang pangulo ng Senado.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Mayo 22, ipinaliwanag muli ni Padilla na usapan daw nilang apat na magkakasama sa partidong PDP na kung ano ang desisyon ng mayorya at kailangang ito rin ang maging desisyon ng lahat.
“Apat kaming PDP, ako si Senator Bong Go, Senator Bato, at Senator (Francis) Tolentino. Kami ay isang partido kaya’t ang boto namin ay isa lang,” ani Padilla.
“Naiintindihan ko Senator Bato kung bakit naging emosyonal siya sa pangyayari kasi talaga namang para sa akin, alam ko naman ‘yung nangyari dahil ako ang acting president ng PDP, alam ko ‘yung nangyari sa aming block. Sa aming block kasi, hindi pwedeng maghiwa-hiwalay. Kung ano yung boto ng isa, dapat ‘yun ang boto ng lahat,” dagdag niya.
Dahil dito, nang mapagdesisyunan daw nilang tatlo na lumagda sa naturang resolusyon ay kinausap nila si Dela Rosa para pumabor ding patalsikin si Zubiri.
“Noong kinausap namin si Bato, wala naman siyang nagawa. Wala na siyang nagawa, kasi kailangang mamili siya: partido o ‘yung kaniyang matatawag nating pakikisama kay SP Migz. Syempre nanaig ‘yung pagiging partyman niya,” ani Padilla.
“Kasi ‘yung po ang adhikain ng PDP kailangang sumunod ka sa sinasabi ng partido,” saad pa niya.
Matatandaang kamakailan lamang ay ipinaliwanag din ni Dela Rosa kung bakit siya naging emosyonal matapos magbitiw sa pwesto bilang Senate president si Migz Zubiri, at kung bakit din siya pumirma para mapatalsik ito.
Samantala, sinabi naman ni Zubiri na hindi niya maintindihan kung bakit pati si Dela Rosa ay lumagda sa resolusyon, gayong ang isa raw sa mga nakikita niya kung bakit siya pinatalsik ay dahil sa pagtatanggol niya rito bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nag-iimbestiga sa umano’y nag-leak na dokumento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsasangkot kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilegal na droga.
Nagbitiw sa pwesto bilang pangulo ng Senado si Zubiri noong Lunes, Mayo 20. Ito ay matapos daw lumagda ang 15 mga senador para patalsikin siya.
Pinalitan naman ni Senador Chiz Escudero si Zubiri sa pwesto.
https://balita.net.ph/2024/05/20/escudero-nanumpa-na-bilang-bagong-senate-president/