Isang low pressure area (LPA) ang inaasahang papasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Huwebes, Mayo 23, at mabuo bilang bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Aldczar Aurelio huling namataan ang LPA 1,080 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Mindanao.
Inaasahan daw na papasok sa loob ng PAR ang LPA ngayong Huwebes.
“Ang magiging track o pagkilos ng [LPA] ay lalapit po sa ating bansa. Una po sa bandang eastern Visayas and then lalapit po sa Eastern section ng Luzon. Ibig sabihin po, recurving ang magiging track ng [LPA],” ani Aurelio.
Posible raw maging bagyo ang naturang LPA. Kaya naman, ito ang inaasahang magiging unang bagyo sa Pilipinas, at papangalanan itong “Aghon.”
Samantala, dahil sa kasalukuyan ay malayo pa rin daw sa kalupaan ang LPA, wala pa itong epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Kaya naman easterlies pa rin, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagataing Pasipiko, ang umiiral sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa, at inaasahang magdadala raw ito ng maalinsangang panahon. Posible pa rin naman ang mga pulo-pulong mga pag-ulan, partikular na pagsapit ng hapon o gabi dahil na rin sa localized thunderstorms.
Kaugnay na Balita: